Work Text:
Kung tatanungin si Riku, ang pinakamasayang araw sa buong buhay niya ay noong nagdesisyon ang kuya niyang si Haechan na bumukod at lumipat sa sarili nitong condo sa Quezon City.
Simula kasi nang mangyari 'yon, naging mapayapa ang buhay niya. Solo niya ang malaking TV sa sala, walang nag-iingay kapag naglalaro siya ng Valorant hanggang madaling araw, at higit sa lahat—walang nakuha ng mga paborito niyang snacks sa loob ng ref. Para kay Riku, ang condo ng Kuya Haechan niya ang pinakamagandang investment na ginawa ng pamilya nila.
Kaya naman naging paboritong tambayan na rin ng best friend niyang si Yushi ang bahay nila.
Isang mainit na Sabado ng hapon, nakakalat ang mga notes, laptop, at empty cups ng iced coffee sa carpet ng sala. Nakasubsob si Riku sa throw pillow niya habang si Yushi naman ay nakaupo ng maayos, may hawak na highlighter, at nakabusangot ang mukha habang binabasa ang draft ng thesis nila.
"Ayoko na, Riku. Susuko na ako," maarte ngunit seryosong reklamo ni Yushi. Ibinagsak niya ang highlighter sa mini-table at tiningnan ang sarili sa maliit na salamin na kanina pa nakapatong sa tabi ng laptop niya. "Feel ko talaga tutubuan na ako ng mga tigyawat gawa ng mga kagrupo natin. Isusumpa ko na talaga sila"
Napabalikwas nalang si Riku mula sa unan. "Kaya pa 'yan. Five pages na lang, Yushi. Pagkatapos nito, ililibre kita ng milktea. Promise."
Isinara ni Yushi ang salamin niya at akmang magta-type na sana ulit nang biglang tumunog ang digital lock ng main door.
Beep. Beep. Beep. Click.
Bumukas ang pinto. Inasahan ni Riku na ang mama n’ya ang darating galing sa grocery, pero isang pamilyar at matangkad na pigura ang pumasok. Nakasuot ito ng itim na leather jacket, simpleng white shirt, at ripped jeans. May hawak itong susi ng kotse na pinaiikot-ikot sa daliri habang naglalakad papasok, halatang sanay na sanay maging maangas kahit nasa loob lang ng bahay.
Napabangon si Riku. Nanlaki ang mga mata niya. "Kuya?! Anong ginagawa mo rito?"
Hindi siya pinansin ni Haechan. Dire-diretso lang itong naglakad papunta sa kusina, binuksan ang ref at kumuha ng malamig na inumin.
Nang marinig ni Riku ang pamilyar na pagtunog ng plastic cap na binubuksan, mabilis siyang tumayo. "Ma! 'Di ba may condo si Kuya sa QC?!" sigaw ni Riku patungo sa direksyon ng kusina, kahit wala naman doon ang nanay nila. "Bakit nandito na naman 'yan? Ubos na 'yung Yakult ko sa ref!"
Lumabas si Haechan mula sa kusina, prenteng umiinom mula sa maliit na bote ng Yakult ni Riku. Tiningnan niya ang nakababatang kapatid mula ulo hanggang paa.
"Anong 'yan'? Kuya mo 'ko," masungit na sagot ni Haechan. Naglakad ito palapit sa sala at huminto sa harap ng sofa. "Bahay ko rin 'to ah! Tsaka miss ko na luto ni Mama. Bawal na bang umuwi?"
"Kaka-uwi mo lang talaga nung Miyerkules!" angal ni Riku, sabay turo sa kalat nila sa lapag. "Tsaka gumagawa kami ng thesis, h’wag kang mag-iingay rito."
Sasagot pa sana si Haechan ng pambabara nang biglang dumapo ang paningin niya sa pigurang tahimik na nakaupo sa carpet.
Si Yushi.
Kanina pa nag-mamasid si Yushi. Kilala niya si Haechan bilang ang 'untouchable' at sikat na kuya ni Riku sa campus dati—yung tipong hindi mo basta-basta pwedeng lapitan dahil palaging seryoso at mukhang mapapaaway. Kaya naman medyo naiintimidate siya rito kahit hindi niya pinapahalata.
Nang magtama ang mga mata nila, biglang nag-iba ang hangin sa paligid.
Yung maangas at nakakunot na noo ni Haechan kanina habang nakikipag-asaran kay Riku ay biglang nawala. Unti-unting umaliwalas ang mukha nito, at isang pamilyar na maliit na ngiti ang sumilay sa labi niya.
"Oh," mahinang sabi ni Haechan, biglang bumaba ang tono ng boses, naging mas malumanay at kalmado. "Nandito ka pala."
Kinagat ni Yushi ang ibabang labi niya para itago ang kaba. Tinaasan niya ito ng kilay, pinapanatili ang kanyang mataray na composure. "Bawal ba?"
Imbes na mainis sa pagsusungit niya, mas lalong lumawak ang ngiti ni Haechan. Tuluyan itong umupo sa sofa, tamang-tama sa pwesto kung saan kitang-kita niya si Yushi.
"Hindi naman," sagot ni Haechan, hindi inaalis ang tingin sa kanya. "Mas gusto ko nga 'yan. Hi, Yushi."
Napalunok si Yushi. Masyadong diretso ang tingin ng kuya ni Riku kaya nag-iwas siya ng paningin at ibinalik ang atensyon sa laptop. "Hello po."
Napasabunot si Riku sa sariling buhok, walang kaalam-alam sa tensyon na nabubuo sa pagitan ng dalawa. "Kuya, nakaka-distract ka. Doon ka nga sa kwarto mo!"
"Ayoko nga, mainit," palusot ni Haechan, kahit naka-todo naman ang aircon sa buong bahay. Ipinatong niya ang siko sa tuhod at bahagyang yumuko para mas maging ka-level ang paningin ni Yushi na nasa lapag. "Nga pala, Yushi. Nagpadeliver ako ng pizza tsaka milktea kanina nung papunta ako rito. Paparating na 'yon. Kain ka marami ha."
Napatigil si Yushi sa pagta-type. Milktea? Kakasabi lang ni Riku kanina na bibilhan siya, tapos naunahan pa ng kuya nito na kararating lang. Pasimple siyang sumulyap pataas. Nakapangalumbaba na ngayon si Haechan habang pinapanood siyang mag-type, tila walang pakialam sa mundo kundi ang siguraduhing komportable siya.
"S-Salamat," mahinang sagot ni Yushi, pilit na pinapakalma ang sarili.
"Wow ah," sarkastikong bulong ni Riku sa tabi. "Ang bait bigla. Sino kaya umubos ng Yakult ko."
Hindi na pinansin ni Haechan ang kapatid. Nanatili lang siyang nakaupo roon, mukhang walang planong bumalik sa condo niya sa QC kahit kailan. At sa hindi malamang dahilan, naramdaman ni Yushi na parang biglang uminit ang paligid, kahit nakatapat na sa kanya ang electric fan.
Lumipas ang dalawang oras. Ang kaninang malinis na carpet ay pinalibutan na ngayon ng mga walang-lamang kahon ng pizza at mga baso ng milktea na binili ni Haechan.
Abala pa rin sina Riku at Yushi sa paggawa. Nakadapa si Riku habang nagugupit ng mga materials para sa diorama nila, samantalang si Yushi ay naka-indian sit sa tabi nito, mabilis na nagta-type sa laptop. Sa sobrang tagal na nilang mag-best friend, kabisado na nila ang galawan ng isa’t isa.
Nang mapansin ni Riku na tumatama na sa mga mata ni Yushi ang bangs nito habang nagbabasa, kusa niyang ibinaba ang hawak na gunting. Walang pasabing hinawi ni Riku ang mga buhok ni Yushi sa likod ng tainga nito. Natigilan ang kamay ni Riku doon nang ilang segundo, ang mga mata nito ay may taglay na lambot at lalim habang nakatitig sa gilid ng mukha ni Yushi.
Dati siguro, noong mga panahong bago pa lang silang magkaibigan, baka nagwala na ang mga paru-paro sa tiyan ni Yushi dahil sa ganitong klaseng atensyon mula kay Riku. Dati, baka namula pa siya at nawala sa focus. Pero ngayon?
Sanay na siya, at iba na ang priority niya.
Pabirong tinapik ni Yushi ang kamay ni Riku at tinaasan ito ng kilay. "Focus ka nga, Riku. Kapag tayo bumagsak dito dahil sa bagal mong gumupit, ibabagsak din kita sa hagdan niyo."
Napabuntong-hininga na lang si Riku, tipid na ngumiti, at tahimik na bumalik sa ginagawa niya, pilit na itinatago ang munting kirot sa pamamaraan ng pagkaka-iwas ni Yushi.
Samantala, sa itaas ng sofa, may isang taong hindi natutuwa sa nasaksihang eksena.
Kanina pa nakaupo doon si Haechan. Bukas ang TV at nagp-play ang isang maaksyong pelikula sa Netflix, pero ni isang sulyap ay wala siyang binigay sa screen. Ang buong atensyon niya ay nakapako sa dalawang tao sa sahig. O mas tamang sabihin: masamang nakatingin ang mga mata niya sa batok ng sariling kapatid, habang awtomatikong lumalambot ang ekspresyon niya tuwing dadapo ang paningin niya kay Yushi.
Hawak ni Haechan ang isang basong may lamang malamig na tubig, at sa sobrang higpit ng hawak niya dahil sa inis nang hawakan ni Riku ang buhok ni Yushi, tila anumang oras ay mabasag ang baso nito.
Naramdaman ni Yushi na parang may mabigat na nakatitig sa kanya. Na tila ba s’ya ay naaalangan. Binuksan niya ulit ang front camera ng phone niya para pasimpleng i-check ang sarili. Wala naman akong dumi sa mukha. Flawless pa rin naman yung lip tint ko, isip-isip niya. Bakit ba nakatitig 'yung siga na 'to?!
Hindi na nakatiis ang pagiging mataray ni Yushi. Palihim niyang siniko si Riku sa tagiliran.
"Taena, ba't tingin nang tingin dito kuya mo?" inis ngunit pabulong na sabi ni Yushi. Halatang naiilang na siya, at hindi niya maitago ang bahagyang pamumula ng mga pisngi niya dahil sa seryosong mga mata ni Haechan. "May nagawa ba akong mali? Baka naiinis kasi ang kalat natin."
Nilingon ni Riku ang kuya niya. Nang makita ang madilim na aura nito, inirapan lang ito ni Riku. Hindi niya alam kung anong trip na naman ng kapatid niyang may sarili namang condo pero ginugulo sila roon.
"Hayaan mo 'yan. Nababaliw na naman," malakas na sagot ni Riku, sadyang pinaririnig sa kapatid. Binalingan nito nang buo si Haechan. "Kuya! Kung wala kang gagawin at manlilisik lang 'yang mga mata mo, ipagtimpla mo nga kami ng juice! Nakaka-distract ka diyan eh!"
Kumurap si Yushi. Hinintay niyang magtaas ng boses si Haechan. Kilala itong mainitin ang ulo, lalo na kapag inuutusan, at paniguradong babatukan nito si Riku dahil sa kawalan ng galang.
Pero laking gulat ni Yushi nang makita niyang marahang ibinaba ni Haechan ang baso sa lamesa. Imbes na magalit, tumayo ang nakatatandang kapatid at naglakad palapit sa kanila.
Dire-diretso itong lumagpas kay Riku at huminto sa mismong tapat ni Yushi. Ang kaninang nakakatakot na awra ni Haechan ay parang bula na naglaho. Ngumiti ito—isang ngiting hindi aakalain ng buong campus na kayang ibigay ng isang tulad niyang basagulero.
Bumaba ang tingin nito kay Yushi, ang boses ay mababa at nakakapanlambot. "Ano gusto mo, Yushi? Orange o iced tea?"
Nalaglag ang panga ni Riku, hindi makapaniwalang nilagpasan lang siya ng kapatid para maging waiter ng best friend niya.
Si Yushi naman ay awtomatikong napaatras nang kaunti. Biglang uminit ang buong mukha niya at tila nakalimutan niya saglit kung paano magsungit.
"I-Iced tea po," nauutal at halos pabulong na sagot ni Yushi, hindi makatingin nang diretso sa nang-aakit na mga mata ni Haechan.
"Iced tea," pag-ulit ni Haechan na tila kinakabisado ang paboritong kanta. "Okay. Wait lang, ipagtitimpla kita."
At para bang isang maamong aso, masayang naglakad papuntang kusina ang dating pinakakinatatakutang siga ng unibersidad para ipagtimpla ng juice si Yushi, habang naiwang nakatulala ang mag-best friend sa sala.
Lumipas ang ilang linggo, at naging opisyal na yatang display sa sala nina Riku ang nakatatandang kapatid nito. Parang nakalimutan na ni Haechan na may binabayaran siyang condo sa QC dahil halos araw-araw na siyang umuuwi sa bahay nila—eksakto lagi kung kailan naroon din si Yushi.
At para kay Yushi, ang araw-araw na presensya ni Haechan ay katumbas ng araw-araw na gay panic.
Bilang isang graduating 4th-year college student, minsan ay hindi maiwasan ni Yushi na ma-intimidate. Lalo na't ganap nang working professional si Haechan, kaya asahan mong mas matured at seryoso ito sa buhay. Pero heto at tinatrato siya na parang baby.
Paano ba naman hindi aatakihin sa puso si Yushi? Ang dating siga at basagulero ng campus na ngayon ay kilala na bilang isang istrikto na young professional sa kumpanya nito, ay biglang nagiging aligagang boy scout kapag nandiyan siya. Kapag nagrereklamo si Yushi na naiinitan siya habang nagrereview, biglang itatapat ni Haechan ang electric fan sa kanya. Kapag nag-retouch si Yushi ng lip tint at nagreklamong dry ang labi niya, kinabukasan ay may inabot na mamahaling lip balm si Haechan na sobra laman iyon sa nabili ng nanay nila.
Minsan nga, nahuli pa ng buong tropa na si Haechan mismo ang nagbibitbit ng pink na tote bag at kikay kit ni Yushi habang naglalakad sila sa hallway ng university tuwing sinusundo siya nito pagkatapos ng shift nito sa trabaho. Isang mataray na irap lang ni Yushi, awtomatikong tiklop ang nagtatrabahong Haechan.
Para itago ang matinding kilig at nagwawala niyang puso, ibinaling ni Yushi ang lahat sa pagiging masungit. Denial phase nga ika nila.
Isang gabi, malapit nang mag-alas otso at nag-aayos na ng gamit si Yushi sa sala nina Riku. Kinuha niya ang maliit niyang salamin para suklayin ang buhok at siguraduhing maayos pa rin ang itsura niya bago umuwi.
Habang nililigpit ni Riku ang mga kalat nila, lumabas si Haechan mula sa kusina. Suot nito ang paborito nitong itim na jacket na ipinatong sa kanyang office attire, halatang kalalabas lang ng kumpanya. Pinaiikot nito sa daliri ang susi ng sasakyan. Ang bango-bango nito, amoy panlalaking pabango na hindi nawawala kahit maghapon nagtrabaho.
"Gabi na, delikado," seryosong sabi ni Haechan, pero ang mga mata ay nakapako lang sa repleksyon ni Yushi sa maliit na salamin. "Ako na maghahatid sa tropa mo, Riku, baka mapa'no pa 'yan sa daan."
Nag-init agad ang mga pisngi ni Yushi. Mabilis niyang itinago ang salamin sa bag at tinaasan ng kilay ang binata para itago ang kaba.
"Hindi na kailangan, Kuya. Kaya kong umuwi mag-isa. Hindi ako bata para ihatid-sundo," maarte niyang sagot, sabay krus ng mga braso. Kumalma ka, Yushi. Baka marinig niya yung tibok ng puso mo.
Ngumisi lang si Haechan, lumapit nang kaunti, at bahagyang yumuko para magpantay ang paningin nila. "Alam kong hindi ka bata, Yushi. Kaya nga gusto kitang paka-ingatan eh. Tara na."
Naiwang nakatayo si Yushi na parang na-estatwa. Naramdaman niya ang matinding pag-init ng buong mukha niya hanggang sa mga tainga n’ya. Bago pa siya makasagot, lumabas na si Haechan para i-start ang makina ng sasakyan sa labas.
Nang makalabas si Haechan, naiwan silang dalawa ni Riku sa sala.
Hindi na napigilan ni Yushi ang sarili. Inis (na may halong kilig) siyang lumingon sa best friend niya na tahimik lang na nagpupunas ng lamesa.
"Wala bang sariling bahay 'yang kuya mo?" pabulong pero madiin na reklamo ni Yushi, pilit pinapaypayan ang sarili gamit ang kamay. "Ba't parang mas madalas pa siya rito kaysa sa aso niyo? Tsaka 'di ba may pasok 'yan bukas? Nakaka-stress siya ha!"
Tumigil si Riku sa ginagawa niya. Tiningnan niya si Yushi. Nakita ni Riku ang natural na pamumula sa mga pisngi ng best friend niya—isang pamumula na alam niyang hindi galing sa paboritong blush-on nito.
May kung anong mabigat na dumaan sa dibdib ni Riku. Isang tahimik at pamilyar na kirot. Dati kasi, noong unang taon nila sa college, alam niyang sa kanya lang nakatingin si Yushi. Alam niyang may gusto sa kanya ang kaibigan, pero pinili niyang magbulag-bulagan dahil takot siyang masira ang pagkakaibigan nila. Ngayon, huli na yata ang lahat. Ngayong handa na siyang suklian ang nararamdaman ni Yushi, unti-unti niya namang napapansin na may ibang nagpapabilis ng tibok ng puso nito. At ang mas malala... sarili pa niyang kapatid.
Pilit na nilunok ni Riku ang pait at nagpakawala ng isang pekeng buntong-hininga para hindi mahalata ng kaibigan.
"May condo 'yan sa QC!" sagot ni Riku, kunwari ay naiinis din. "Ewan ko ba kung anong sumapi diyan at araw-araw umuuwi rito imbes na magpahinga galing trabaho. Nai-stress na nga ako eh. Lakas maka-agaw ng eksena."
Bumaba ang tingin ni Riku sa bag ni Yushi. "Pero Yushi... kung ako mag-o-offer na ihatid ka, papayag ka ba?" mahinang tanong ni Riku, halos parang binubulong lang sa hangin.
Napakunot ang noo ni Yushi dahil hindi niya masyadong naintindihan ang sinabi nito. "Ha? May sinasabi ka, Riks?"
Mabilis na umiling si Riku at nag-iwas ng paningin. "Wala. Sabi ko, bilisan mo na diyan at kanina pa naghihintay 'yung magaling kong kuya sa labas. Baka pumasok pa 'yon dito at buhatin ka palabas."
Lalong namula si Yushi sa naisip. Mabilis nitong sinukbit ang pink tote bag niya at nagmamadaling naglakad palabas, hindi napansin ang malungkot na ngiti na naiwan sa labi ng best friend niya.
Alas tres na ng madaling araw. Binalot na ng katahimikan ang buong bahay nina Riku, maliban sa mahinang ugong ng aircon at ang mabilis na pag-tipa ni Yushi sa keyboard ng laptop niya.
Dahil sa sobrang pagod sa pag-gawa ng revisions para sa final defense nila, bumigay na ang katawan ni Riku. Nakahandusay ito sa carpet, nakabuka pa nang bahagya ang bibig, at humihilik habang yakap-yakap ang isang throw pillow. Naiwang gising si Yushi sa sala para tapusin ang final editing ng presentation nila.
Medyo nilalamig na si Yushi kaya napayakap siya sa sarili at ipinag-kiskis ang mga palad. Gustuhin man niyang kunin ang jacket niya sa bag, natatakot siyang gumalaw dahil baka magising niya ang mantikang matulog niyang best friend.
Pilit niyang ibinalik ang atensyon sa screen nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Haechan.
Napatigil si Yushi sa pag-type. Nakita niya ang anino ni Haechan na naglalakad palapit sa gawi nila. Kahit nakasuot lang ito ng simpleng gray sweatpants at itim na t-shirt na pambahay, hindi pa rin maitatago ang tindig nito. Ibang-iba ang aura nito ngayon kumpara sa pormal at nakaka-intimidate nitong office attire kapag sinusundo siya; ngayon, mas mukha itong maamo. May dala itong malambot na kumot at isang mug ng mainit na kape.
Tahimik na lumuhod si Haechan sa likuran ni Yushi. Walang pasabing ipinatong nito ang kumot sa mga balikat ng binata, maingat na inayos ito para matakpan ang nanginginig na braso ni Yushi, bago inilapag ang umuusok na kape sa mini-table.
"Hindi ka pa tapos?" mahina at malalim na tanong ni Haechan, sapat lang para marinig ni Yushi at hindi magising ang kapatid niya. "Gusto mo tulungan na kita?"
Nanigas si Yushi. Ang lapit ng mukha ni Haechan sa kanya, at amoy na amoy niya ang pamilyar na pabango nito na humahalo sa amoy ng kape. Nagwawala na naman ang puso niya, pero dahil siya si Yushi, pilit niyang pinanatili ang mataray niyang pader.
Hinawakan ni Yushi nang mahigpit ang dulo ng kumot, hindi makatingin nang diretso. "Hindi na, Kuya. Kaya ko na 'to. Tsaka ano bang maitutulong mo sa layout ko eh engineering ang trabaho mo?" maarte niyang sagot, pilit na pinapatapang ang boses.
Napangiti si Haechan sa pagsusungit niya. Imbes na umalis, umupo ito sa carpet, sa mismong tabi ni Yushi. Sumandal si Haechan sa sofa, nakaharap sa kanya, at pinanood lang siyang mag-type.
Ilang minuto ang lumipas, hindi na nakatiis si Yushi. Hindi siya makapag-focus dahil pakiramdam niya ay matutunaw siya sa mga titig ni Haechan. Huminga siya nang malalim, tinitipon ang lahat ng tapang niya para harapin ang presensya ng nakatatandang binata.
"Kuya," basag ni Yushi sa katahimikan. Hinarap niya si Haechan, sinalubong ang mga mata nitong kanina pa nakapako sa kanya. "Bakit ba hindi ka umuuwi sa condo mo?"
Bahagyang tumaas ang kilay ni Haechan. "Pinapalayas mo ba ako sa sarili naming bahay, Yushi?" pabirong tanong nito.
"Hindi naman sa gano'n," iwas-tingin na sagot ni Yushi, kinakagat ang ibabang labi. "Nagtataka lang ako. May sarili kang condo sa QC, malapit sa kumpanya niyo. Pero araw-araw kang nandito. Nakikipagsiksikan ka sa traffic araw-araw kahit pagod ka sa trabaho, tapos... tapos lagi ka pang nag-aabala na bilhan ako ng pagkain o ihatid ako pauwi."
Lumakas ang kabog sa dibdib ni Yushi. Kaya mo 'to, Yushi. Wag kang papakita ng kaba.
"Ano bang trip mo, Kuya?" matapang niyang dagdag.
Natahimik saglit. Tiningnan ni Haechan si Riku na mahimbing na natutulog, bago muling ibinalik ang tingin kay Yushi. Unti-unting nawala ang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Haechan. Pinalitan ito ng isang seryoso at malambot na ekspresyon na nagpatigil sa paghinga ni Yushi.
Gumalaw si Haechan palapit. Hindi masyadong malapit, pero sapat para maramdaman ni Yushi ang init mula sa katawan nito. Tinitigan siya ni Haechan diretso sa mga mata, tila binabasa ang mismong kaluluwa niya.
"Sino ba kasing uuwian ko ro'n?" malambing pero diretsong sagot ni Haechan. Ang boses nito ay parang isang mabigat na angklang bumaon sa sistema ni Yushi. "Malaki nga 'yung condo ko, malapit nga sa trabaho, pero mag-isa lang naman ako."
Bumaba ang tingin ni Haechan sa mga labi ni Yushi bago ibinalik sa mga mata nito.
"Eh 'yung gusto kong makita, nandito lagi sa bahay namin."
Napatigil si Yushi sa paghinga. Tila nag-slow motion ang paligid. Ang kinatatakutang siga ng campus noon, ang seryoso at maangas na working professional ngayon, ay heto sa harap niya—nagpapakatotoo, nakatitig sa kanya na parang siya ang pinakamahalagang tao sa mundo.
Talo ang lahat ng pag-iinarte at pagtataray ni Yushi. Sa isang simpleng linya ni Haechan, tuluyang bumigay ang mga pader na pilit niyang itinatayo. At sa unang pagkakataon, hindi nakasagot si Yushi, naiwang nakatulala at lunod na lunod sa mga mata ng kuya ng best friend niya.
Matapos bitawan ni Haechan ang linyang iyon ng madaling araw, naiwan tulala si Yushi habang ang nakatatandang binata ay nakangiting bumalik sa kwarto nito na parang walang ibinagsak na bomba.
Ngayon ang araw ng final defense nila.
Magkahawak-kamay na nagtatalon sina Riku at Yushi sa labas ng defense room. Pasa! Wala nang revisions, wala nang puyatan. Ga-graduate na sila!
"Sabi ko sa'yo eh! Sisiw lang 'yun!" sigaw ni Riku habang yakap nang mahigpit ang best friend niya.
Natawa si Yushi, nangingilid ang luha. "Salamat, Riks. Kung hindi mo 'ko sinabayan sa pagpupuyat, baka sumuko na ako."
Bumitaw si Riku at tiningnan ang mukha ng matalik na kaibigan. Ang saya-saya ni Yushi. Kumikinang ang mga mata nito at abot-tenga ang ngiti. Ito ang mukhang palaging gusto niyang makita. Huminga nang malalim si Riku, alam niyang ito na ang tamang oras.
"Yushi," panimula ni Riku, bahagyang sumeryoso ang boses. "May tatanungin sana ako."
Napakunot ang noo ni Yushi, inaayos ang gusot sa kanyang polo. "Ano 'yun? Manghihingi ka ng libre? Wala pa akong sweldo, Riku, estudyante pa lang tayo—"
"Gusto mo ba si Kuya?"
Diretsong tanong ni Riku. Walang paligoy-ligoy.
Nanigas si Yushi sa kinatatayuan niya. Halos malaglag ang panga niya at awtomatikong umakyat ang init sa kanyang mga pisngi. "H-Ha? A-Anong klaseng tanong 'yan, Riku?! Nakasinghot ka ba ng marker sa loob?!"
Ngumiti si Riku—isang ngiting may halong pait, pero punong-puno ng sinseridad. "Kilala kita, Yushi. Hindi ka nagpapahatid kahit kanino. Hindi ka pumapayag na may umaaligid sa'yo habang nag-aaral ka. Pero kay Kuya... hinahayaan mo siya."
Nag-iwas ng paningin si Yushi, kinakagat ang ibabang labi, hindi alam kung paano sasagot.
Hinawakan ni Riku ang magkabilang balikat ni Yushi. "Hey. Okay lang," malambing na sabi ni Riku. "Kung meron mang taong gusto kong mag-alaga sa'yo, 'yung kuya ko 'yun. Maangas lang 'yun at siraulo minsan, pero alam kong seryoso siya sa'yo. At kung paiyakin ka man niya... ako mismo ang bubugbog do'n."
Napatingin si Yushi kay Riku. Nakita niya ang kaunting lungkot sa mga mata ng kaibigan, pero mas nangingibabaw ang suporta nito. Hindi alam ni Yushi ang buong nararamdaman ni Riku, pero alam niyang sa sandaling ito, ibinibigay ng best friend niya ang basbas nito.
"Sira," natatawang sagot ni Yushi, medyo naluluha. "Salamat, Riks."
Sa isip ni Riku: Paalam sa unang taong minahal ko. Basta masaya ka, masaya na rin ako. Salamat sa apat na taon, Yushi. Uusad din ako.
Paglabas nila ng university gate, may isang pamilyar na itim na sasakyan ang naka-park sa gilid. Nakasandal doon si Haechan. Suot pa rin nito ang kanyang office attire, pero nakatupi na hanggang siko ang mga manggas ng polo nito, at bahagyang nakabukas ang unang dalawang butones. Hawak nito sa isang kamay ang isang malaking bouquet ng tulips.
Ang daming estudyanteng napapatingin. Sino ba namang hindi? Isang gwapo, maangas, at halatang mayaman na lalaki ang naghihintay sa labas ng campus nila.
Nang makita sila ni Haechan, agad itong umayos ng tayo at naglakad palapit. Dumiretso ang tingin nito kay Yushi, tila walang ibang tao sa paligid.
"Congrats," nakangiting bati ni Haechan sabay abot ng bouquet kay Yushi. "Sabi ni Riku defended raw kayo. Proud of you."
Tinanggap ito ni Yushi, namumula pero pinanatili ang kanyang mataray na composure. Inamoy niya ang mga bulaklak bago tinaasan ng kilay ang binata. "Bakit may ganito?"
"Kasi wala lang, you did well." mabilis na sagot ni Haechan. "Dinner tayo? Para makapag-celebrate. Sagot ko na. Riku, sumama ka na—"
"Pass muna ako, Kuya!" mabilis na singit ni Riku sabay umatras. "May iinumin pa kaming milktea ng blockmates ko! Kayo na lang. Ingatan mo 'yan ah!" Bago pa makapag-reklamo si Yushi, tumakbo na si Riku pabalik sa loob ng campus, kumakaway habang palayo.
Naiwan silang dalawa. Binalingan ni Haechan si Yushi, ang mga mata nito ay puno ng pagmamahal.
"So... tayo na lang?" malambing na tanong ni Haechan, lumapit nang kaunti. "Tapos na ang thesis niyo. Graduating ka na. Pwede na ba akong umakyat ng ligaw? 'Yung hindi ko na kailangang magtago sa dahilan na bumibisita lang ako sa bahay'?"
Tumingin si Yushi sa mga mata ni Haechan. Nakita niya kung gaano ito kaseryoso. Ang isang maangas at kinatatakutang lalaki noon ay handang ibaba ang lahat ng pride nito para sa kanya.
Imbes na sumagot ng "oo", inirapan muna ni Yushi si Haechan para itago ang nagwawalang kilig sa sistema niya. Walang pasabing inalis ni Yushi ang mabigat na pink tote bag mula sa balikat niya at inihagis ito papunta kay Haechan.
Nasalo iyon ng binata.
"Dami mong alam, Kuya. Bitbitin mo muna 'to, mabigat. Nasira posture ko kakaharap sa laptop kanina," maarte pero nakangiting utos ni Yushi, sabay talikod at naglakad papunta sa passenger seat ng kotse.
Napatawa na lang si Haechan. Ang dating siga ng campus, na ngayon ay isang seryosong propesyonal, ay masayang naglakad sunod kay Yushi habang kalong-kalong ang isang pink na kikay bag at pinagbubuksan ng pinto ang kanyang paboritong tao.
Kung nakikita lang siya ng mga katrabaho niya ngayon, siguradong pagtatawanan siya. Pero wala siyang pakialam. Kung para kay Yushi, handa siyang tumiklop araw-araw.
