Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2026-06-07
Words:
1,383
Chapters:
1/1
Comments:
3
Kudos:
20
Bookmarks:
1
Hits:
334

isang kahig, isang tarayan

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Sa Barangay San Delulu, may dalawang bagay na hindi puwedeng mawala.

Una, ang mga marites. Pangalawa, ang away nina Aiah at Stacey. Hindi mahalaga kung alas-singko pa lang ng umaga o alas-diyes na ng gabi. Hindi mahalaga kung umuulan, bumabagyo, o may lindol. Kapag nagkita ang dalawa, may fifty-fifty chance na may magaganap na bardagulan. At hindi iyong pisikalan. Mas malala. Verbal.

Pareho silang mahirap. Pareho silang lumaki sa mga bahay na mas maraming tagpi kaysa orihinal na materyales. Pareho silang natutong magtipid bago pa matutong mag-multiply. At pareho silang may ugaling kayang magpaurong ng isang buong barangay.

Si Aiah, kilala bilang "maldita." May resting face siyang parang lahat ng tao sa mundo may atraso sa kaniya. Kapag ngumiti siya, nagtatanong pa minsan ang mga kapitbahay kung may okasyon. Si Stacey naman, kilala bilang "masungit." Hindi siya madaldal. Pero kapag nagsalita siya, parang bawat salita pinag-isipan kung paano mas makakainis.

At sa malas ng buong barangay, magkatapat ang bahay nila. Literal na magkatapat.

Kapag lumabas si Aiah para magsampay, nakikita niya si Stacey. Kapag lumabas si Stacey para magwalis, nakikita niya si Aiah. Kapag pareho silang huminga sa labas, nakikita nila ang isa't isa. Parang sumpa.

Isang umaga, alas-sais. Lumabas si Aiah dala ang timba ng labada. Kasabay naman ni Stacey na may hawak na walis tingting. Nagkatinginan sila. Tumahimik ang paligid. Kahit iyong tandang ni Mang Boy na sobrang ingay araw-araw, parang nagdalawang-isip tumilaok.

"Aga mo," sabi ni Aiah.

"Ikaw rin."

"Tingin ko himala."

"Manahimik ka."

At iyon na ang kanilang good morning.

 

Bandang alas-dos ng tanghali, pareho silang nasa tindahan ni Aling Mercy. May bagong stock ng malamig na softdrinks. Mainit ang panahon. Pareho silang may dalang eksaktong barya, hindi dahil iyon ang gusto nilang dalhin, pero iyon lang talaga ang pera nila.

At iisa na lang ang natitirang malamig na coke sa tindahan ni Aling Mercy. Nakita iyon ni Aiah at nakita rin ni Stacey. Naglakad sila papunta sa ref. Mabilis at nag-uunahan. Sabay nilang nahawakan ang bote. At doon tumigil ang kanilang mundo, hindi dahil sa kilig, kung hindi dahil sa inis na nararamdaman nila.

"Bitaw," pangunguna ni Aiah.

"Ikaw ang bumitaw." sagot ni Stacey.

"Nauna ako."

"Nauna kaluluwa ko."

"Alam mo, minsan iniisip ko kung bakit ang hirap mong kausap."

"Iniisip ko rin yan. Tapos naaalala ko, kaya pala mahirap, ikaw pala kausap ko."

Tahimik si Aling Mercy sa likod ng counter. Napapikit na lang siya. "Mga anak, pakiusap, bente pesos lang 'yan."

 

Lumipas ang mga oras. Pareho silang umuwi. Parehong badtrip. Parehong gutom. Parehong walang pera para umorder ng pagkain. At normal na araw lang 'yon sa kanila.

 

Kinagabihan, biglang bumuhos ang ulan. Hindi iyong simpleng ambon. Iyong ulan na parang may personal na galit sa buong barangay. Nagsimula ring umihip ang malakas na hangin. Nagkagulo ang mga tao. May mga nagmamadaling magsara ng bintana. May nagtatakbuhan para kunin ang mga sinampay. May mga bubong na nagsimulang tumunog nang nakakakaba.

Nasa loob si Aiah nang marinig niya ang sigaw ng nanay niya. "Aiah! Iyong bubong sa likod!"

Napamura siya. "Tanginang bubong naman to oh!" Tumakbo siya palabas. Nakita niyang may bahagi ng bubong na natutuklap dahil sa hangin. Dali niyang nilagyan ng gulong para 'di tangayin ng malakas ng hangin ang kanilang bubong. "Ganito talaga siguro 'pag mamahalin 'yong bubong n'yo." bulong niya sa sarili.

Samantalang sa kabilang bahay, ganoon din ang sitwasyon. Nagpupumilit si Stacey na itali ang trapal. Basang-basa na siya. Halatang napagod sa pagtatali ng trapal, at halatang naiinis sa buong mundo. Isang malakas na bugso ng hangin ang dumating upang mapigtas ang tali na sanhi ng paglipad ng trapal.

"Bwiset!" sigaw ni Stacey sa inis.

Tumakbo si Stacey para habulin ang lumipad na trapal. Nakita iyon ni Aiah at hinabol din iyon. Pareho nilang hinabol ang trapal. Pareho nilang nahawakan. At pareho silang nadulas sa putik.

Sabay silang bumagsak, diretso sa maputik na daan. Biglang tumahimik ang kanilang kapaligiran. Walang nagsalita sa kanilang dalawa.

Isang segundo.

Dalawa.

Tatlo.

Nagtawanan ang mga batang nakakita. Malakas. Walang pake kung marinig sila.

Nakatulala sina Aiah at Stacey. Basang-basa. Puro putik ang kanilang mukha at damit. Mukha silang patay na kakabangon lang sa hukay. At sa unang pagkakataon sa buong buhay nila— Nagkatinginan sila, pinapakiramdaman at bawat isa. At biglang natawa. Hindi iyong pilit, hindi iyong sarcastic. Talagang natawa. Malakas at halos hindi na makahinga.

"Diyos ko mukha kang nawrestling ng kalabaw!" sigaw ni Aiah habang tumatawa.

"Ikaw nga mukhang nadapa sa tae ng kalabaw!" sagot ni Stacey. Mas lalong lumakas ang tawa ni Aiah, na sinundan naman ni Stacey ng bungisngis na tawa.

Lalong lumakas ang tawanan nila. Napatingin ang buong barangay na parang may nasaksihang solar eclipse. Si Aling Mercy pa nga ay napasign of the cross sa nasaksihan niya. masyadong oa naman.

 

Nang tumila ang ulan, pareho silang nakaupo sa waiting shed. Basang-basa pa rin. Nakalimutan na nila 'yong trapal. May tig-isang plastic cup ng mainit na kape. Libre mula kay Aling Mercy dahil naaawa na siya.

Tahimik lang silang humihigop ng kape, Hindi awkward na tahimik, iyong komportable lang. Nakakapagtaka lang. Sa tagal na nilang magkatapat bahay, ngayon lang nila naisip na puwede pala 'yong ganito lang. Walang away. Mahinahon. Parang pagkatapos ng ilang taong gyera, biglang may ceasefire.

 

"Ano?" tanong ni Stacey.

"Ano rin?" sagot ni Aiah habang nakataas ang isang kilay.

"Bakit ka nakatingin?"

"Kasi may mata ako."

"Bakit nga? Nagagandahan ka ba sakin? Gets ko naman."

"Weird mo pala makainom ng kape, humahangin."

"Duh. So ano nga?"

"Wala. Ang sungit mo pala talaga."

Natigilan si Stacey sa sinabi ni Aiah. Pagkatapos ay umirap. "Took you years para mapansin?" sabay irap ulit. Ngumisi si Aiah. At iyon na yata ang unang beses na nakita ni Stacey na ngumisi siya nang hindi nang-aasar.

"Alam mo," sabi ni Stacey.

"Hm?"

"Akala ko dati mayaman ka." napatingin si Aiah ni Stacey na may pagtataka. "Kasi ang arte mo." dagdag niya.

"Wow." 'di mapigilan na sagot ni Aiah. "At akala ko pinaglihi ka sa kapeng matapang,"

"Bakit?"

"Ang pait kasi ng timpla ng mukha mo palagi."

Napatawa si Stacey. Mahina lang, pero totoo. At para kay Aiah, nakakagulat iyon. Hindi dahil maganda ang tawa niya. Dahil iyon ang unang beses niyang marinig iyon.

 

Habang lumalalim ang gabi, napahaba ang usapan nila. Napunta ang usapan sa pamilya. Sa mga bayarin. Sa mga problema. Sa mga bagay na hindi nila sinasabi sa iba. Unti-unti nilang napagtanto ang isang bagay. Pareho pala sila. Parehong pagod. Parehong nahihirapan. Parehong takot sa hinaharap. At parehong nagpapanggap na kaya nila lahat mag-isa. Kaya siguro sila laging nag-aaway. Para silang dalawang salamin.

Nakikita nila sa isa't isa ang mga bagay na ayaw nilang makita sa sarili nila.

 

Makalipas ang ilang oras, tumigil na ang ulan. Tumayo si Stacey at nag inat ng katawan. Sunod na tumayo si Aiah na ginaya si Stacey sa pag iinat.

"Uuwi na ako." biglang sabi ni Stacey.

"Edi umuwi ka."

Inirapan lang siya ni Stacey at naglakad. Tatlong hakbang. Apat. Lima. Tapos bigla siyang tumigil sa paglakad. Hindi lumingon. Pero nagsalita. "Hoy." sabi niya nang walang lingunan.

"Ano?"

"Friends na ba tayo?"

Natahimik si Aiah. Pagkatapos ay sumimangot. "Kadiri." na may maliit na ngiti sa labi.

"OA mo, ako na 'to oh."

"Kadiri talaga."

"Okay. Kadiri nga talaga."

And they both fell silent. Akma na sanang humakbang paalis si Stacey nang biglang nagsalita si Aiah. "Same time bukas?" agad namang napalingon si Stacey sa tanong ni Aiah.

"Saan?" tanong ni Stacey.

"Sa tindahan ni Aling Mercy"

"Para mag-away?"

"Oo. ano pa nga ba?"

"Akala ko kasi magpalibre ka na naman ng kape kay Aling Mercy. Awa naman sa matanda, Aiah." Umiiling na ngumiti si Aiah sabay irap.

"Lilibre lang kita ng coke."

"Manlilibre ka pa, wala ka na ngang pera."

"May nakita akong bente sa pitaka ni Mama,"

"Hindi mo naman 'yon nakita, kinupit mo 'yon."

"Ano, gusto mo o hindi?"

"Ok po"

"Umuwi ka na."

"Tara."

At sabay silang naglakad pauwi. Hindi magkatabi. Hindi rin magkalayo. Sakto lang.

Habang mula sa mga bintana, pintuan, at gate ng buong barangay, tahimik silang pinapanood ng mga marites. Dahil matapos ang maraming taon—natuklasan nilang hindi pala love story ang pinapanood nila. Mas malala.

Nagkaroon ng kaibigan ang dalawang pinakamaldita at pinakamasungit na tao sa barangay. At para sa lahat ng nakasaksi? Iyon ang pinaka-imposibleng pangyayaring nangyari buong taon.

 

Notes:

:)