Work Text:
Matangkad, Kayumanggi, at Gwapong Espresso
Ang pagbubukas ng sariling cafe ang isa sa mga pangarap ni Jhoanna, kaya’t pagkatapos ng limang taong pagta-trabaho sa Maynila pagkatapos makapagtapos sa kolehiyo, ay umuwi siya sa kanila at nagpagawa ng bagong coffee shop.
At oo, sanay na siya sa mga nagsasabing: bakit niya iniwan ang Maynila kahit nandoon ang mga oportunidad?
Nasa Maynila nga ang mga trabaho, ngunit limang taon lang ang kailangan niya upang masabi na hindi niya kayang manatili sa kanyang office job na mataas nga ang sahod pero daig pa ang impyerno kung magpahirap sa kanya. Sa ayaw at sa gusto ng mga tao sa paligid niya, sinunod niya ang gusto ng kanyang puso at binuksan ang Cup of Jho.
Nakahiligan niyang magbantay sa lugar bilang isang barista, o minsan din ay waitress. Dito siya tunay na natutuwa, dahil na rin siguro ay patuloy niya pang nahuhubog ang angking galing sa pakikipagtalastasan. Madali niyang nakabisado ang mukha ng mga regular nilang kostumer.
Kaya’t alam niya rin na unang pagkakataon na pumasok sa lugar ang isang napaka-pamilyar na mukha…
Halos sampung taon na rin mula ng huli niyang makita ang babae. Bago pa siya lumuwas pa-Maynila para mag-aral, tanda na niya ang nagliliwanag na ganda at nakapanghihinang presensya ng isang Stacey Sevilleja—ang ultimate crush ng bayan noong high school pa sila, na nag-iisang anak din ng alkalde ng bayan ng Kasiyahan.
Mas lalong tumangkad ang babae. Likas pa rin sa kanya ang kagustuhan sa mga kulay rosas na bagay, na halata sa dala niyang handbag—naglalagablab ba naman na hot pink.
Pagpasok pa lamang ay nahila na ni Stacey ang atensyon ng buong lugar, na kahit si Jhoanna na kasalukuyang tumatao bilang kahera ay napatigil. Ngingiti na sana ang kahera ngunit may biglang napakatangkad na lalaki ang sumunod, na halatang may ibinulong mula sa likod ni Stacey.
Kaya ng ginoo na hawakan ang pitong-talampakang itaas ng pinto ng coffee shop. Iyon ay kung hindi kabisado ng lalaki ang dapat niyang gawin. Dahil tila ba ang bawat hakbang nila papalapit sa may-ari ay pinag-usapan, ang pagdikit ng kanilang mga braso habang umo-order ay talagang sinadya. Hindi lamang napadpad ang dalawang ito sa lugar…
Ka-date ni Stacey Sevilleja ang matangkad na lalaking um-order ng bestseller nilang espresso.
At hindi gaya ng kaherang kasalukuyang natigilan pa rin, matapang ang kapeng pinili ng dalawa—kayang lumaban… o magpakilala man lang.
Nang maupo silang dalawa sa isang sulok, mariing tiningnan ni Stacey ang nasa likod ng kaha-rehistro.Tiyak niyang nakita na niya ang babae dati pa—mga matang mapungay at bilugan, sino ba ang makalilimot sa unang laging panlaban ng kanilang paaralan?
Bumukas ang kahon ng memorya sa kanyang isip. Si Jhoanna na laging umiiwas kapag nakikita siya, ulo na laging nakababa kung sila’y magkakasalubong, at mahahabang biyas na bigla na lamang liliko kung mamamataan siya nito kahit mula pa sa malayo.
Hindi naman tanga si Stacey para hindi mapansin ang mga iyon…
Oo na, ayaw na ayaw sa kanya ni Jhoanna, dati pa—pero napaisip siya bigla, hanggang ngayon pa rin ba?
Maayos nga ang bawat kwento ni Marcus, at ang paglubog ng dimples niya ay halata tuwing siya na ay magsasalita; ngunit bakit sa bawat kaunting sandali ay hindi mapigilan ni Stacey na lumingon at tingnan muli si Jhoanna?
Sa isang pagkakataon pa nga ay napansin niya ang biglaang pag-iwas nito. Doon niya nakumpirma, may nakatago nga yatang sama ng loob si Jhoanna sa kanya…
Nakanta at Sumasaliw na Latte
Ilang araw nang nakalipas mula ng unang date ni Stacey at Marcus. Mukhang hindi na rin mauulit yata?
Eh pa’no ba naman kasi… Kabaliktaran ng ayos sa pananamit at pakikipag-usap ni Marcus ang pag-uugali niya sa mga nagta-trabaho sa coffee shop. Pagdating pa lamang ng order nila, kumunot agad ang noo niya noong ngumiti ang waiter na nagdala—na parang hindi kasali sa ginagawa nila na siguraduhing maganda ang serbisyo.
Sa bawat lumalapit din na crew para alisin ang mga gamit at linisan ang mga kalapit na table, naririnig ni Stacey ang malakas na pag-singhal ng binata. Tumitigil siya sa mga kwento niya, tinititigan ang crew hanggang matapos magligpit, at saka lamang itutuloy ang pagsasalita pagka-alis nila.
At sa huling pagkakataon pa, hindi nagustuhan ni Stacey ang kanyang sinabi noong tapos na silang kumain. “Hayaan na natin, lilinisin din naman nila ‘yan,” ang tinuran ng lalaki sa mesa nilang puno ng kalat ng tissue.
Kaya’t ayaw na niya. Hindi niya gustong mag-aksaya ng oras sa mga lalaki na hindi kayang magbigay-respeto sa mga nagbibigay-serbisyo sa kanila.
Idagdag pa nga ang palaisipang nakapagpapabagabag kay Stacey: Hindi naman siguro masama ang ugali niya noong high school…
Kung gayon ay lubos ang pag-aalala niya sa mga kilos ng kahera ng Cup of Jho…
Cup of Jho?... Natigilan sandali si Stacey.
Cup of Jho ang pangalan ng coffee shop, at kahera doon si Jhoanna…
May sandali pang napatitig na lamang siya sa kawalan.
At doon nga lang napagtanto ni Stacey na ang cafe ay parang pagmamay-ari yata ng dalaga—at isang plano ang naisip ni Stacey.
Muli siyang babalik doon para malaman ang kailaliman ng dahilan kung bakit ganoon ang pakikitungo ng dalaga sa kanya. Ano pa nga ba ang daan para makatulong na nga sa business ng kanyang dating kasamahan, para na rin mapalapit pang lalo kay Jhoanna?
Baka gumana muli ang paraan na nagamit niya kay Marcus…
Binuksan ni Stacey ang Bumble niya, kung saan una niyang naka-match ang lalaki. Baka naman siguro ay mayroong mas maayos na siyang makakapareha, isang tao na makakasama niyang pumunta sa coffee shop.
Kaya’t nandito siya muli…
Panibagong linggo at bagong haba na naman ng pasensya ang kailangang dalhin ni Jhoanna. Lunes ngayon at hindi pa rin dumarating ang delivery ng mga sangkap. Naka-ilang tawag na ang may-ari, pagkabukas pa lamang ng Cup of Jho.
Napasalampak na lamang siya sa kanyang madalas na pwesto—na sumakto rin sa dating ng isang lalaking may dalang gitara.
Kilala niya si Leto Vergara bilang isang kilalang busker sa mga coffee shop. Nagkausap na rin sila noong isang beses, kung saan inimbitahan ni Jhoanna ang lalaki na kumanta sa singing booth ng lugar.
Lalabas na sana mula sa counter si Jhoanna upang salubungin at lapitan ang busker, nang makita niya ang papalapit na babae kay Leto. Bakit nandito ulit si Stacey Sevilleja?
Natigilan si Jhoanna, at mas lalong nanindig ang balahibo niya nang lumingon ang magandang dalaga sa kanyang gawi. Nakagat niya dila niya sa kaba nang mapansin na bahagya itong ngumiti, kaya’t imbis na ngumiti pabalik ay kumunot ang noo niya at napatalikod papunta sa pintong tungo sa storage area. Sa kanyang pagkataranta, isa-isang binilang ni Jhoanna ang kulang-kulang na mga sangkap na hindi naman kailangan ng inventory.
Nawala naman ang hindi siguradong ngiti ni Stacey, na naiwan sa likuran ng busker. Maliit na lamang nga ang naibigay niya upang tingnan ang magiging reaksyon ng kahera, nakumpirma niya pa na may kailangan nga talaga siyang gawin upang makipag-ayos kay Jhoanna.
Gusto niyang sundan ito upang makapagpaliwanag siya, ngunit naalala niya na kasama nga pala niya si Leto. Kasalukuyang naghahanda ang lalaki para sa kanyang pagkanta. Isang bagay na nagulat siya nang malaman…
Hindi pa nababanggit ni Stacey kung saan sila magkikita ngunit minungkahi na ni Leto ang lugar. Dahil pala nais niyang kumanta roon, isang gawain niya bilang busker-vlogger—na nakita naman ni Stacey sa Bumble kaya siya napa-swipe right.
Imbis na patuloy na maging tuliro, lumapit na lamang sa counter si Stacey upang umorder: dalawang piraso ng house-blend latte ng Cup of Jho. Perpektong balanse para sa binatang kakanta, at sa dalagang hindi mapirmi sa pag-aalala.
Naka-order at nakaupo na sa table na malapit sa singing booth si Stacey nang lumabas si Jhoanna. Nakatitig sa kanya ang may-ari mula sa malayo nang mag-umpisang tumugtog si Leto ng pamilyar na kanta ng bandang Shirebound.
Napuno ng saliw ng gitara ang buong lugar, at ang matang nakatingin kay Stacey ay napuno rin ng pag-aalinlangan. Hindi naman dapat ganito ang nararamdaman ni Jhoanna—sampung taon na…
Bakit may enerhiyang nagmumula kay Stacey na pilit hinihila papalapit si Jhoanna, at binabangga ang ayos ng tahimik na niyang mundo?
Sapat na sa 'kin ang ganito oh
Ang pagmasdan ka sa malayo
Hawak-hawak ni Jhoanna ang tissue na galing sa huling kahon sa bodega. Nagtagal lang naman siya roon dahil sa kaba na dala ng ngiti ni Stacey, at sa kung paanong kilala pala siya ng dalaga? Halos sampung taon na rin, hindi ba…
Kapag kinausap walang masagot
Hininga'y lagot
Napansin ni Jhoanna ang dami ng dadalhin ng tauhang server na si Alex kaya nilapitan niya ito upang tulungan. Inilagay niya ang dalang tissue na may sulat sa isang tray, kung nasaan nakalagay ang dalawang baso na agad niyang nakilala na iced latte ang laman.
“For Stacey po iyan Ma’am Jho… doon po sa table na iyon,” Hindi na nga niya napansin ang pagturo ni Alex sa table dahil nagpanting na ang kanyang mga tenga nang marinig ang magandang pangalan ng dalaga.
Hindi ko naman yata ikamamatay
Kung hindi ko mahawakan ang iyong kamay
Halata ang panginginig ng mga kamay niya nang buhatin ang tray mula sa counter. Nakatalikod pa si Stacey, pero parang unti-unting bumalik kay Jhoanna ang memorya ng paglalakad ni Stacey sa malawak na quadrangle ng Kasiyahan Institute—mahabang buhok na lumulundag sa bawat hakbang, at ngiting hindi nawawala kahit pa sa kumikislap niyang mga mata.
Bata pa nga lang ay nakita na yata ni Jhoanna kay Stacey ang kahulugan ng kagandahan…
Namumukod-tangi pa rin nga taglay niyang liwanag—nakasisilaw, ngunit sadyang nakapagbibigay-kalinawan. At sa hindi nga niya pagpansin sa hinaharap, nakita na lamang ni Jhoanna ang sarili na nahuhulog…kahit ilang taon na ang lumipas.
At sa hindi nga niya pagpansin sa hinaharap, nakita na lamang ni Jhoanna ang sarili na nahuhulog…
Handa 'kong mabuhay sa aking kalokohan
Kung wala ka sa 'king buhay walang kalungkutan
Naramdaman niya ang lamig ng natapong mga baso ng inumin bago pa siya makabalik sa kanyang ulirat. Hindi tumitigil ang tugtog, ngunit tumigil ang mundo niya nang makitang lumingon si Stacey, dala ang matinding pag-aalala sa madalas na nakangiti niyang mga mata.
Mabilis na lumapit si Stacey nang makita ang kahera, dala ang paniguradong order nila, na ngayon ay nakatapon na sa sahig. Hindi na niya iniisip ang natapon na inumin niya, kundi ang kaligtasan ng dalaga na basa na ang apron.
Lumuhod siya sa harap ng dalaga para tuluyang iayos ang baso na buti naman ay hindi nabasag. Sa kanyang paglapit ay doon niya nakita ang bilugang mga mata ni Jhoanna—puno ng takot, at hindi niya maipaliwanag na kinang. Doon niya lang din napansin ang pambihirang kinis ng balat niya, at ang mala-manika niyang mukha.
Munting ligayang iyong hatid
Tuwing dahan-dahan kang darating
Nang malapit ang kamay ni Stacey sa pagkakahawak ni Jhoanna sa tray, naramdaman pati ng customer ang kakaibang kuryente, na siyang nakapagpabitaw naman kay Jhoanna. Napaurong ang may-ari, at saka napagtanto na kakailanganin niya ng basahan, kaya’t ang sumunod niyang ginawa ay mabilis na tumayo at tumakbo papalayo.
Ngayon pa nga lang nakalapit ng ganoon si Stacey sa kanya, ngunit bakit agad na siyang aalis?
Kagandahan masisilayan
Dahan-dahang lilisan
Sa pagtitig ni Stacey sa tumatakbong palayo na si Jhoanna, hindi na niya napansin ang unti-unti nang nalulunod na papel. Magandang pagkakasulat, na nabura na ng lamig ng sumasaliw na iced latte.
Hi, Stacey!
Schoolmates tayo noong high school, nakikilala mo pala ako? Ang ganda mo pa rin <3
Libre ka na dito sa mga susunod ah!
~ Jhoanna :)
Maldita at Mapormang Frappe
Hindi naman straight si Stacey. At high school pa lang, alam na niya ‘yun. Hindi porket siya ang number one fan ng mga bagay na kulay pink at puno ng kakikayan ay paniguradong lalaki lang ang gusto niya, ani nga ng kanyang Mommy noong mabanggit niya na sa kanyang mga amiga na may girlfriend si Stacey noong siya ay nasa ikalawang taon ng kolehiyo.
Ito rin ang dahilan kung bakit parang buong populasyon nga ng Kasiyahan ang maaari niyang makita sa kanyang Bumble. Dahil hindi pa rin siya tapos sa kanyang main quest sa Cup of Jho—ang mapatunayan na hindi galit sa kanya si Jhoanna.
Nadagdagan ng isa ang listahan ng kanyang mga rason. Bakit nga ba dadalhin ni Jhoanna ang order niya kung galit ito sa kanya? Kaya’t una na sa notes app niya: Dinala ni Jhoanna ‘yung order namin.
Bilang susunod na hakbang sa kanyang plano, pormal na niyang inayos ang caption niya sa Bumble. LF: Kasama mag-cafe hopping.
Ngunit ang totoo ay isang cafe lang naman ang gusto niyang puntahan. Hindi rin naman na siya umaasa na magkakaroon ng second date, dahil hindi na rin naman siya naglagay na interesado siya para sa relasyon sa kanyang preferences.
Maayos na nakalatag ang plano niya, at lalo pa itong umayon nang mag-match sila ni Yvanna, na galing lang sa kabilang bayan ng Batangas. Halos tatlumpong minuto lamang ang layo ng cafe sa tinutuluyan ng dalaga kaya’t sumakto lang din para kay Stacey ang imbitasyon na ibinigay niya sa naka-match.
Usapan na nila na magkikita na lamang sa cafe, kaya nandito na naman siya—ang ikatlong pagkakataon sa loob ng tatlong buwan. Katabi niya si Yvanna, na kasalukuyang iniisip kung ano ang oorderin. Lubos nga ang tuwa ni Stacey nang makita niya ito. Nakasuot ba naman si Yvanna ng checkered na blazer na pagkatingkad-tingkad na pula ang kulay. Terno sa shades niyang kulay pula rin, makikita ang paghahanda na ginawa ng dalaga para sa kanilang hangout.
“Kung ‘yung tiramisu nila kunin ko? Parang masarap din eh,” Sa puntong ito, kabisado na yata ni Stacey ang lasa ng mga inumin sa lugar.
Naka-order na ang pares sa harap nila kaya’t napansin na ni Stacey ang kaibahan ng araw na ito sa mga dati niyang punta. Matamis na mga ngiti pa rin naman ang bumungad sa kanila ni Yvanna, ngunit hindi mula sa pamilyar na mga labi ito nanggaling. Malumanay pa rin naman ang pagbati sa kanila, ngunit hindi ito matamis na boses ng isang pamilyar na dalaga. Nakasalamin pa rin ngunit hindi ang pamilyar na kapal at itim na hinahanap ng mga mata ni Stacey.
Maayos naman na nakuha ni Alex ang sinabi ni Stacey, pero hindi nangungusap na mga mata at malambing na boses ni Jhoanna ang bumungad. Kahit tuloy ang matamis na order ng strawberry frappe ni Stacey ay papait nang mawala ang ngiti niya habang pabalik sa kanilang table.
Lalo pa ngang nagpanting ang tenga niya nang marinig ang usapan ng dalawang babae sa malapit.
“Sayang, wala yata ‘yung may-ari… Promise beh, sobrang ganda nun, ang bait bait pa.”
Napasandal si Stacey sa kanyang kinauupuan habang umiirap sa narinig. Bakit ba kasi nila pinag-uusapan ang taong wala naman ngayon sa lugar na ito?
Napasipsip na lang siya sa kararating lamang na baso ng frappe, habang si Yvanna sa tabi niya ay agad na tinikman ang tiramisu na kasama sa order niya.
Nagsimulang mag-usap ang dalawa tungkol sa kani-kanilang buhay. Doon ay napag-alaman ni Stacey na alkalde rin pala ng bayan nila ang tatay ni Yvanna; ngunit hindi tulad ng nag-iisang anak na si Stacey, apat na magkakapatid sina Yvanna sa bahay nilang araw-araw daw na maingay.
Sa kanilang pag-uusap ay hindi na nga napansin ni Stacey ang ingay na ginawa ng dalawang babae sa kalapit na table ng pumasok sa lugar ang tila bagong ligo pa lamang na may-ari. Halata pa ang basang buhok ni Jhoanna habang naglalakad papunta sa counter. Kahit umikot ang pagtingin niya sa buong lugar nang pumasok siya, hindi niya pa rin napansin ang pamilyar na kulot ng buhok na kasalukuyang nakatalikod sa kanya at may kausap na babae.
Binati siya ni Alex, na pumalit pansamantala sa kanya bilang kahera. Hindi naman niya kasi sinadyang hindi magising sa alarm niya, pero napabalikwas siya mula sa pagkakatulog nang sagutin ang tawag pang-limang tawag ng kanyang empleyado.
Nasa Cup of Jho raw muli ang customer na natapunan niya ng inumin noong nakaraan…
Hindi rin totoo na natapunan niya si Stacey. Siguro ay natapon ang inumin kasi hindi niya maalis ang tingin kay Stacey, ang mas tamang sabihin. Dahil siya ang may-ari, hindi naman maaaring pagalitan ng mga empleyado ang boss nila, bagkus sinabihan na lang din ni Jhoanna na sabihin sa kanya agad kung makikita niya itong bumalik sa cafe.
“Ma’am Jho, nandoon po naka-upo. May kasama po yata—” Bakas ang panlulumo niya nang marinig ang dulo ng sinabi ni Alex.
“Ang ganda po ng kasama, Ma’am…” Sa tabi ni Alex ay nagsalita si Gela, isa pang empleyado. Nakanguso ang labi niya na para bang may itinuro sa likuran ni Jhoanna.
Nang lingunin, doon na napansin ni Jhoanna ang hindi niya malilimutang kulay ng kinulot na buhok ni Stacey—palaging naka-ayos at malasutla.
At dahil nga siya ang may-ari ng coffee shop, walang magagalit kung magsabi siya na kumuha ng plato na puno ng cookies. Hindi siya nagmadaling maligo at mag-drive papunta sa lugar para lamang sayangin ang tyansa.
Dala ang plato na nakalagay sa isang tray, dahan-dahang nilakad ni Jhoanna ang distansya papunta sa table nila Stacey. Narinig niya pa ang pag-ubo ng babae sa malapit nang ibaba niya ang cookies sa mesa.
Nagtama agad ang mga mata nila na halos mapa-atras na si Jhoanna sa kaba. Halata naman ang gulat sa mga mata ni Stacey.
“Ma’am, hindi po kami nag-order ng cookies…” Turan ng katabi ni Stacey na hindi na napansin ni Jhoanna dahil sa hindi niya maialis na tingin sa magandang dalaga.
Nang marinig ang sinabi, doon na lamang napagtanto ni Jhoanna ang nagawa. Dumagundong ang tibok ng puso niya, at hindi siya makapag-isip ng sasabihing dahilan.
“Ah—ano ‘yan… uhm, ‘yan pong cookies—” Nang sumilay ang isang malaking ngiti sa labi ni Stacey, parang tumigil ang mundo ni Jhoanna. Mapuputing ngipin na nagpaliwanag sa buong daigdig niya ang tuluyang nakapagpatigil sandali ng tibok ng kanyang puso.
“May um-order po tapos sabi ibigay sa inyo, hindi ko po alam kong sino pero sabi lang po i-serve sa table niyo.” Nakagat ni Jhoanna ang loob ng kanyang bibig nang maibulalas ang naisip niyang dahilan.
Sandaling kalituhan ang namuo sa mukha ni Yvanna, ngunit kumuha rin siya ng isang cookie at kinagat ito kalaunan. Mabilis naman ang pagtalikod ni Jhoanna. Para lamang siyang nagmamadaling empleyado para kay Yvanna, ngunit para kay Stacey, halatang may kinalaman ito sa pakikipagtungo ng dalaga sa kanya. Tunay pa rin bang hindi kayang harapin ni Jhoanna si Stacey?
Kahit ganon pa man, hindi mawaring kasiyahan ang naramdaman ni Stacey sa paglapit ng dalaga. Nandito siya…
Palaging magaan sa loob kapag nandito siya.
Hindi alam niya Stacey, pero hindi nga lang yata baso ng inumin ang nahulog noong makita niya si Jhoanna nang malapitan….
Tahimik ngunit Sumisipang Americano
Hindi na muling hihilahin pa ni Stacey pabalik ng Cup of Jho si Yvanna. Hinding-hindi na!
Pagka-uwi kasi nila mula sa kanilang pagkikita, mukhang nag-chat kaagad si Yvanna sa kanya. Bet na bet ko ‘yung server, ani nito sa voice message na kanyang pinadala. Sumagot na lang si Stacey ng ‘okay naman’, habang bakas ang inis sa mukha niya habang tinitipa ang keyboard niya.
Kaysa ayain muli siya para tumambay sa lugar, napag-desisyonan na lang niyang magbukas muli ng Bumble—kung saan ang pinakabago niyang naka-match ay si Gwayn. Matipid mag-reply ang lalaki, pero mahilig rin itong humanap ng mga bagong coffee shop upang maging tambayan kapag siya ay nagta-trabaho.
Tatlong linggo mula noong huli siyang pumunta, at bumungad sa kanya ang mga palamuti sa Cup of Jho. Malapit na raw ang anniversary ng lugar, pagkakarinig niya mula sa isang customer na nakaupo sa may pasukan. Namataan niya na rin si Gwayn na nasa isang sulok na nakatingin-diretso sa tinitipang laptop, halatang may ginagawa at walang paki sa paligid.
Bago pa man makalapit sa kasama, nakita ni Stacey ang may-ari sa nakasanayan nitong puwesto sa likod ng kaha-rehistro. Hindi ang normal na bilugang mga mata, at matatamis na mga ngiti nito ang una niyang nakita; sa tabi kasi ni Jhoanna ay may isang babaeng tumatawa at paminsa’y hinahampas ang braso ng dalaga—tiyak, komportable, at halatang may kung anong relasyon ang dalawa.
Hindi namalayan ni Stacey ang pagsasalubong ng dalawang kilay niya. Kumuyom pa nga ang kanyang kamao nang mag-umpisang maglakad papalapit kay Jhoanna. Kasabay ng paglalakad ni Stacey papuntang counter para sabihin ang order niya, nagsimula ang pagtugtog ng isa sa mga paboritong kanta ni Jhoanna—dahilan para mapalingon siya at mapansin ang tila sumusugod papalapit na Stacey.
I wanna be your vacuum cleaner
Breathin' in your dust
I wanna be your Ford Cortina
I will never rust
Napatigil sa harap niya si Stacey, may halong inis ang palaging magandang mukha. Tumigil pansamantala sa pagkulit sa kanya ang pinsang si Kali nang makitang may lumapit na kustomer.
Para na ring tumigil ang mundo ni Jhoanna habang tila robot na sinambit ang karaniwang pagbati niya sa mga bibili.
“Ano po ang order nila?” Nanginginig ang gilid ng labi niya nang ngumiti siya kay Stacey.
If you like your coffee hot
Let me be your coffee pot
“So hindi ka galit sa akin ngayon?” May pait ang pagsasalita ng dalaga, naka-halo ang inis at isang hindi maipaliwanag na nararamdaman.
You call the shots, babe
I just wanna be yours
“Po?” Napatingin sandali si Jhoanna kay Kali, senyas na umalis muna ito.
Hindi mawaring gumaan naman ang loob ni Stacey ng lumayo ang babae mula sa pagkakahawak kay Jhoanna. Si Jhoanna naman ay parang natatakot na tuta nang tumingin pabalik kay Stacey—matang namimilog at halos nakangusong mga labi.
“Kapag nandito ako, parang lagi kang nagagalit pag nakikita na ako.” May kumpiyansang sabi ni Stacey, na parang nakakuha siya ng sapat na ebidensya upang komprontahin si Jhoanna.
Buti na lamang at walang ibang nakapila, dahil tila may tumigil na salikop sa utak niya at napatitig na lang siya sa kaharap.
“Uh—ano?”
Secrets I have held in my heart
Are harder to hide than I thought
“Isang Americano, paki-paitan please. Bilang last ko na rin na pag-order dito.” Buo na ang loob niya, sawa na siya sa pa-ulit ulit na iwas-tingin ng may-ari sa kanya, mga sulyap na akala niyang hindi napapansin ni Stacey, mga bulong sa sarili na parang kinukulam niya ang dalaga. Sawa na si Stacey. Kung ayaw tapusin ng may-ari dahil sa kung anong pansariling rason niya, puwes at si Stacey ang gagawa noon.
Kailangan na niyang makalayo kay Jhoanna. Tinatanggal ng dalaga ang natitirang huwisyo, at unti-unti binabalw ni Jhoanna si Stacey. Kailangan nang matigil ito.
“Last order?”
“Hindi mo ba naintindihan? Halata namang galit ka sa akin, na parang may ginawa akong hindi okay sa’yo nung high school tayo—” Kitang-kita ang panlalaki ng nangungusap na mga mata ni Jhoanna. “Alam mo bang pabalik-balik na ako dito para malaman ko kung bakit ka ba kasi galit sa akin—”
“Stacey, gusto kita.” Bulong lang dapat ito sa hangin…
Isang aspirasyon na hinding-hindi na masusuklian. Sigaw ng pusong hindi pa rin pala nakawala sa pagkakagapos kahit ilang taon man ang nagdaan…
Maybe I just wanna be yours
I wanna be yours, I wanna be yours
Tuluyang napako sa kinatatayuan ang dalaga nang magsalita si Jhoanna. Tatanungin niya na sana kung paano—
Ngunit bigla rin namang itinuloy pa ni Jhoanna, “... gusto kita noon.”
Mapait nga siguro ang Americano, ngunit mas mapait ang naramdaman ni Stacey sa sandaling iyon. Pero ‘di kagaya ng inuming nilabnawan, kumikirot ang loob ni Stacey kahit ito pa’y misteryoso, may isang damdaming hindi niya pa kayang mapunto…
Makulay at Namumulang Iced Coffee
Hindi na dapat babalik si Stacey sa Cup of Jho. Hindi niya rin alam kung bakit, pero sa usapan nila ni Jhoanna ay tila napanghinaan siya ng loob para muling pumunta sa lugar.
Pero nakilala niya si Mikhaella nang minsan itong nagpadala ng direktang mensahe sa kanyang account sa Instagram. Aniya, nakita niya raw si Stacey sa Bumble, at mukhang isa siya sa mga na-swipe left ni Stacey kaya’t susubukan niya raw sa huling pagkakataon na makausap ang dalaga.
Hindi nga rin matandaan ni Stacey ang itsura ni Mikhaella. Pagkatingin niya sa Instagram nito, namamayagpag na kulay pula ang buhok nito—kaya’t napatanong din siya sa sarili kung paano niya hindi napansin sa Bumble ang dalaga.
Mag-iisang buwan na rin silang magka-talking stage bago sila nagpasya na magkita. Pupuntahan na lamang raw ni Mikhaella si Stacey sa lugar nila, at habang nagmamaneho ay nadaanan ng dalaga ang Cup of Jho. Ito na rin ang napagpasyahan niyang puntahan pagkatapos masundo si Stacey mula sa bahay nila.
Noong magkita ay yakap ang natanggap nila mula sa isa’t-isa; halos pamilyar na rin sila sa kanilang mga ugali pagkatapos maging malapit sa nakaraang buwan. Hindi na nagtanong si Stacey kung saan pupunta nang sumakay siya sa SUV ni Mikhaella. At pagtigil pa lamang ng sasakyan, napasabi na siya sa sarili na kasalanan niya kung bakit siya nandoon sa lugar.
Pinagbuksan pa siya ng pinto ng kasama nang pumarada ito sa harap ng cafe, at mula roon pa lamang sa pwesto nila ay nakita na niya ang may-ari na may kinakausap na mga customer. Parang nakapako ang mga paa niya nang magsalita si Mikhaella sa kanyang tabi, “The ambiance looks good! There’s a lot of people, pero mukhang okay ‘yung service.”
Pagkapasok pa lamang ay nagtama na agad ang tingin nila Jhoanna at Stacey. Hawak ng isang panibagong mukha ang baywang ni Stacey, at sa unang tingin pa lamang, kumirot na agad ang dibdib ni Jhoanna.
Papalapit ang dalawa at hindi na alam ni Jhoanna ang kanyang gagawin. Tatakbo ba siya at lalayong muli? Ipapasa kay Alex ang gagawin at magkukulong na lamang sa bodega? Baka uuwi gamit ang dala niyang e-bike, at saka doon sa kanyang kwarto iiyak at magmamakaawang mabigyan ng pagkakataon kay Stacey?
Napakaraming tanong ang nasa isipan niya, maraming salitang gustong sabihin. Pagtigil ng babaeng pula ang buhok sa harap niya, katabi ang dalagang nakapagpapabaliw kay Jhoanna—nakatitig sa kanya na para bang may sinasabi, ang nasabi lang ni Jhoanna ay, “Mabuhay! Welcome to Cup of Jho! Girlfriend mo?”
Kita ang gulat sa mukha ni Stacey, at agad na nagtama ang paningin nila ng kasama ng sumagot naman ito kay Jhoanna, “Hopefully soon, yes.”
Minsan ay hindi na nga dapat tinatanong pa ang mga bagay na ayaw mong marinig ang kasagutan…
“Stacey, friends kayo?”
Ano ba ang tamang sagot? Magkaibigan ba talaga sila ni Jhoanna? Eh sa bawat pagpunta lang naman ni Stacey nakikita ang dalaga. Ngunit hindi naman raw sila magkaaway, dahil gusto nga raw ni Jhoanna si Stacey noon—
Napatigil siya nang maalala ang dahilan kung bakit siya hindi bumalik sa lugar. Nakatitig na sa kanya si Jhoanna nang bumalik ang tingin niya sa babae. Ang bilugang mga mata nila ay kumikislap, kahit na walang kasiyahan ang nasa kulay-kape nitong mga mata. Iyon bang pagkislap na parang nakatiitig ka sa isang nag-aapoy na bagay, tinitingnan kung kailan matatapos ang init na iiwan lamang ay abo. Ganon siguro ilarawan ni Stacey ang tingin ni Jhoanna.
“P’wede na…” Ang nasambit niya ay galing sa hindi nila malamang relasyon ni Jhoanna. Nasa gitna ng oo at hindi, nasa pagitan ng wala at meron. Hindi naman kailangan ng hindi para maging mapait ang pagkabulalas ni Stacey. Sapat na ang hindi sigurado… sapat na siguro ‘yung ganito.
Nang papalayo si Stacey pagkatapos mag-order ng iced coffee, malamig at mapait na tingin din ang naibigay ni Jhoanna sa kasama niya. Isang buwan na nga mula noong makita niya ang babae muli, ngunit sa kanyang muling pagkakita rito, ay may kasama na naman siyang muli. Hindi na naman si Jhoanna…
Kailan kaya magiging siya?
Sa pagtitig niya sa babaeng papalayo ay hindi namalayan ni Jhoanna ang pagtabi ng kanyang staff na si Alex, na napatingin din sa kung saan nakatingin ang kanyang boss.
Isinandal ni Alex ang baba niya sa kanyang palad na nakatukod sa counter, bago siya bumuntong-hininga.
“Gusto mo, Ma’am?”
“Oo—sobra… dati pa…” Hindi na kailangang magdalawang-isip ni Jhoanna. Hindi naman kasi nawala. At sa lagay niyang ito, hindi na siguro mawawala pa ang nararamdaman.
“Paano po ‘yan? Parang may kasama na…”
Bahagyang natawa si Jhoanna na may bakas ng pait. “High school pa lang, sikat na ‘yan… Maganda, maraming manliligaw, panlaban lagi sa mga pageant. Tapos ako hindi makalapit…” Parang isang rolyo ng pelikula na umikot ang kanyang mga alaala sa kanyang harapan.
“Alam mo ginawa ko? Sumali ako ng mga contest. Siya sa pageants nananalo, tapos ako naman sa mga quiz bee. Kaya kapag awarding, magkalapit kami… o kaya kahit pangalan lang namin. Kahit hindi ko malapitan at makausap, at least kapag umaakyat na ako ng stage, ramdam na ramdam ko kapag sinasabitan na ako ng medal, kasi nasa harap siya. Nandoon siya tapos minsan nagkakatinginan kami… hindi na man ako kilala, at napapalakpakan ko pa rin siya at ganoon din siya sa akin. Doon pa lang masaya na naman ako…”
Mula sa malayo ay napatingin si Jhoanna kay Stacey. Kitang-kita ang maliit niyang mga ngiti na hindi nawala sa kanyang labi. Parang may nakadagan sa sikmura ni Jhoanna sa tuwing nakikita niyang magsalita si Stacey. Iba na talaga ito, wala na nga talagang laban si Jhoanna sa tunay niyang nararamdaman…
“Dati ‘yun, Ma’am… Paano ‘yung ngayon? Hahayaan mo na lang bang mapunta sa iba kahit kaya mo rin namang iparamdam na gusto mo siya?” Namataan muli ni Alex ang paglingon ni Stacey mula sa malayo, kasabay ng pagtingin sa kanya ni Jhoanna. Kung siya man ang tatanungin, may laban ang boss niya… hindi nga lang siguro siya marunong lumngon, kapag tumitingin na ang babaeng matagal na niyang tinitingnan.
Matamis at Nakangiting Cappucino
Hinding-hindi na talaga babalik si Stacey sa Cup of Jho. Dito na lang siya—sa cafe ni Shiloh sa Batangas. Pinsan ni Yvanna si Shiloh, na una nitong ipinakilala noong magkita silang muli dalawang linggo na ang nakararaan.
At least dito hindi niya kailangang maisip ang babae. Hindi niya kailangang kabahan kung makikita niya ba ito sa counter. Hindi niya kailangang mapatigil kapag papalapit na ito kasama ang mga in-order niya.
Dito sa Belle View ay maganda rin naman ang may-ari. Wala siyang nararamdamang kung ano sa loob niya kapag nakikita niya ang maputing dalagang kasalukyang gumagawa ng order niyang cappucino. Idagdag mo pa ang nakakalulang tanawin ng Bulkang Taal, na kitang-kita sa al fresco kung nasaan siya ngayon.
Ilang sandali pa ay lumapit na sa kanya si Shiloh, kasama ang inumin niya. Hindi ito natapon sa harap niya, ngunit wala rin namang sumabog sa loob niya nang magkatitigan sila ng may-ari.
“Wait lang, Stacey ah! Tapusin ko lang ‘yung isang drink tas balikan kita rito…” Kitang-kita ang malalim na dimples ni Shiloh nang ngumiti ito kay Stacey. Maganda rin naman ang mga ngiti niya, ngunit hindi namataan ni Stacey ang pamilyar na nagniningning na bilugang mga mata.
Tumango si Stacey bago bumalik si Shiloh sa counter. Napatingin na lamang siya sa malayo. Tanaw mula sa kinauupuan niya ang tubig sa lawa ng Taal, parang tinatawag siya at inaaya umuwi na ng Kasiyahan.
Nang tikman niya ang kanyang inumin, matamis ito at bago sa panlasa. Wala ang normal na tamis na sa isang cafe niya lang nalalasahan. Masarap naman, ngunit pakiramdam niya ay may kulang pa rin.
Sumalampak sa upuang katabi niya si Shiloh. Hindi na niya suot ang apron na may burda ng logo ng cafe, at nakababa na rin ang halos kulay tanso nitong buhok. Uminom siya sa dala niyang baso na paniguradong matcha ang laman, na kanyang tuloy-tuloy na ininom.
“Nakakaloka kasi ‘yung isang customer. Muntikan pa sila mag-away ng girlfriend niya kasi hindi niya alam kung ano oorderin. Mga lalaki talaga!” Panimula ng Shiloh pagkababa niya ng basong hawak.
“Busy day ba ‘tong punta ko?” Kumagat muna si Shiloh sa dinala niya rin na platong may laman na cupcakes, habang sinesenyasan si Stacey na kumuha.
“Hay’nako, ate! Laging busy dito so h’wag ka mag-alala. Ano ba ulit punta mo rito?”
“Wala naman… change of scenery lang. Parang nagsasawa na katawan ko sa Kasiyahan.” Sa sagot ni Stacey ay napa-ismid si Shiloh.
“Sus! Alam ko ba’t ka andito. Sabi ni ate ko, may iniiwasan ka raw doon sa inyo—doon sa tinambayan niyong cafe.”
At natimbog nga si Stacey…
Napatigil siya sandali bago tumikhim sa hiya. Napaka— talaga nitong si Yvanna!
“Eh hindi ko kasi siya maintindihan. Oo na magkakilala kami nung high school, tapos sobrang iba talaga ng mundo namin noon kasi mas acads siya tapos ako sa extra curriculars. Pero gusto kong mag-connect nga kami ngayon. Kapag naman tina-try ko na lumapit, lalayo siya. Gagawin niya lahat para hindi lang kami mag-interact. Nakakafrustrate kaya!” Para bang bomba na bigla na lamang sumabog ang loob ni Stacey. Dahil ba ito sa lamig ng hangin dito sa Batangas? O dahil nag-iinit ang ulo niya kapag naalala niyang hindi sila naglalapit ni Jhoanna…
Hindi pa nga siya natapos at bumulong pa. “Bakit pa siya nakikipag-small talk sa akin, eh gusto niya lang naman ako dati…”
Hindi naman ganoon kahina ang boses niya, kaya’t narinig siya ni Shiloh. Agad na napagtagpi ng dalaga ang nangyayari, mula sa kung paano nagdadabog si Stacey, ang paulit-ulit na pag-irap niya, pati na rin ang bakas na dismaya sa mukha nito. Hindi naman bulag si Shiloh para hindi makita ang malinaw pa sa malinaw na nararamdaman ni Stacey. Iyon nga lang, parang ang nakakaramdam mismo nito ang hindi makakita.
“So kailan mo pa siya gusto?”
Maririnig ang pagaspas ng ibon na lumipad sa taas nila sa sobrang katahimikan ni Stacey. May sandali pa bago siya muling nakapagsalita.
“Ano—anong gusto? Gusto? Ako may gusto? Anong—anong sinasabi mo?” Wala na ring maintindihan si Shiloh nang tuluyang mautal si Stacey.
Napasandal na lamang si Shiloh sa kanyang upuan habang naka-ngising tumitig kay Stacey. Parang kuryenteng nag-short circuit ang dalaga na pilit itinatanggi ang damdaming ipinunto ni Shiloh.
Isang malalim na pag-inom ang ginawa ni Stacey sa kanyang baso, bago tinitigan nang masama ang kasama. “Hindi ko siya gusto…”
Pabirong tumango-tango si Shiloh para huminahon ang natatarantang dalaga. Saka siya tumayo mula sa kinauupuan, bago kinapa ang susi ng kanyang kotse mula sa kanyang bulsa.
“Edi sige tara!” Hindi na niya hinintay si Stacey na sumagot, at nagsimulang maglakad. Rinig niya ang muling pagkataranta ng dalaga upang masundan siya.
“Shi! Saan tayo pupunta, hoy!” Nasa harap na sila ng kulay-lilang sasakyan ni Shiloh. Napasakay na lang din si Stacey sa kotse. Wala pa ang driver nila at hindi siya makakauwi na hindi maihahatid.
“Mag-seatbelt ka, tapos input mo ‘yung cafe. Pupuntahan natin kasi hindi mo naman siya gusto, di’ba?” Kita na naman ang malalim na dimples ng dalaga, ngayon ay nang-aasar kay Stacey nang mapatigil siyang muli.
Para patunayan na totoo ang sinasabi niya, lakas-loob niyang inilagay ang address ng Cup of Jho. Hindi naman siya dapat kabahan, di’ba?
Tatlumpung minuto ang layo nila kaya’t hindi naman dapat kabahan si Stacey.
Dalawampu’t limang minuto ang layo kaya’t wala naman dapat siyang maramdamang takot.
Dalawampung minuto ang layo nang mapatigil sila sa lugar na may bahagyang traffic. Hindi naman dapat nag-iinit ang kinauupuan ni Stacey dahil sa lamig ng kotse, di’ba?
Labinglimang minuto ang layo at nararamdaman niya ang pagbigat ng kanyang sikmura. Naisip ni Stacey ay baka sa lamig ng ininom niya sa Belle View nagmumula ang bigat na iyon.
Sampung minuto ang layo at kitang-kita ni Shiloh ang pagpapawis ng katabi. Naka-ngising pinihit niya ang manibela papasok ng arko ng bayan ng Kasiyahan. Nanahimik si Stacey ngunit naririnig yata ni Shiloh ang ingay ng pag-iisip niya.
Limang minuto na lamang ang layo nila ng magsalitang muli si Stacey. “Gagawin ba talaga natin ‘to, Shi?”
Hindi umimik ang dalaga, kaya’t mas lalong kinabahan si Stacey sa mga mangyayari. Naibuga niya lamang ang kanyang paghinga nang mag-park si Shiloh sa harapan ng cafe at lumabas kaagad ng sasakyan. Ang ginawa lang pala ng dalaga ay umikot, at nakangiti ito nang malaki pagka-bukas ng pinto sa panig ni Stacey.
“Sasakyan ‘yan teh, hindi waiting shed. Tara pasok tayo—kasi hindi mo naman gusto di’ba?” Nanginginig na ang tuhod ni Stacey pagkalapat sa daan papasok ng Cup of Jho.
Nakapilipit ang braso ni Shiloh kay Stacey habang hinihila siya nito papasok ng lugar. Mula pa lamang sa malayo ay nakikita na niya si Jhoanna. Napatingin ito sa kanila nang magbukas ang pinto at napatigil din sa kanyang ginagawa.
Sino ba naman ang gustong makitang may bago ulit na kasama ang babaeng gusto niya?
Nakalingon naman si Shiloh kay Stacey, tinitingnan ang tinitingnan nito. Nang sundan ang kanyang mata papunta sa counter, napabulalas ang dalaga, “Oh my god, it’s a woman!”
Napabitaw si Shiloh sa kanya para madapo ang dalawang kamay sa kanyang bibig. Magkasalubong ang kilay ni Stacey nang tingnan siya, “Anong babae?”
“Ate, ang dense mo! Isang tingin ko palang oh… you like that woman, and damn, she definitely likes you too!” Hindi naman kailangan ng sampung mata upang hindi makita na halos magliwanag na ang buong lugar sa pagkislap ng mata ng babae sa counter. At hindi nga bulag si Shiloh para hindi makita ang galawan ni Stacey na isa lang naman ang sinasabi.
Nakatitig pa rin si Stacey kay Jhoanna, habang ang may-ari ay hindi na alam kung ano ang gagawin ngayon na nandito siyang muli. Isang maliit na pagkaway ang ginawa ni Jhoanna. Tahimik, kalmado at may kasamang dalisay na ngiti.
Parang bumagsak na bulalakaw ang naramdaman ni Stacey. Ang tahimik na pagkaway kay Jhoanna, ay bumubugsong alon para kay Stacey. Ang maliit na ngiting ibinigay ni Jhoanna, ay nakababaliw na tanawin para kay Stacey.
Hindi matamis na cappucino ang mabigat sa sikmura ni Stacey. Isang matamis na ngiti ni Jhoanna—iyon ang hindi kinakaya ng kaloob-looban niya…
“Gusto ko nga siya…” Isang tahimik na pag-amin ang nasabi niya. Sapat para sandaling mawala ang bigat sa kanyang loob, ngunit bagong dagok ang naramdaman niya sa kanyang balikat.
Gusto ko nga siya… pero gusto niya rin ba ako…
Matabáng at Kinulang na Flat White
Hindi naman hipokrita si Stacey. Alam niya kung kailan siya titigil—kung kelan hindi niya itutuloy ang nararamdaman niya. Sa lagay niyang ito, puyat at ilang araw nang hindi makatulog, ay alam rin niya ang kanyang gagawin. Kung gusto niya nga talaga si Jhoanna, ay gusto niya talaga.
Hindi hipokrita si Stacey. Kaya’t habang tulog pa ang araw at ang isip niya’y natutuliro, binuksan niya ang kanyang Bumble, pinindot niya ang free trial upang maging Premium, at saka pumindot pa-kanan sa unang taong nakalagay sa ‘liked you’ niya—isang lalaking nagngangalang Santino.
Kung tutuusin ay maayos naman si Santino—may itsura, mayaman, at mapagbigay. Kailangan lang talaga ni Stacey na takpan ang tainga niya sa tuwing nagkikita sila. Ubod ba naman ng yabang ang lalaki, na lahat ng pwedeng sabihin tungkol sa sarili ay sinabi na niya kay Stacey. Hindi na lamang bangko ang binuhat nito, buong pereteriya na siguro.
Mas mabuti na rin siguro… kaysa patuloy na pansinin ang namumuong kulo sa loob niya sa tuwing napapadaan sila sa Cup of Jho. Mas mabuti na, kaysa patuloy na lingunin ang taong hindi naman tumitingin sa gawi niya, at patuloy na umiiwas kapag nagkakatinginan sila.
Mas mabuti nang masabihan ng hipokrita, kaysa patuloy na umasang mamahalin din siya ng taong nakalaya na sa kanya.
Mabigat man sa loob ay pumayag si Stacey na bumalik sa kapihan pagkatapos ng halos tatlong buwan, matigas ang pagtingin at hawak ang kamay ng matangkad na si Santino. Pakikinggan na lamang niyang muli ang paulit-ulit na kwento ng binatang tagapagmana ng posisyon ng kanyang ama sa isang istasyon sa telebisyon, kaysa pakinggan ang pusong sumisigaw paulit-ulit at pinipilit siyang patakbuhin papalapit sa babaeng nasa likod ng kaha-rehistro.
“I think, maganda rin na magtayo nang ganito sa Manila, right Stacey?” Binasag ng malalim na boses ni Santino ang pagtitig ng dalaga sa abalang may-ari.
“We could be business partners. And you’ll be closer to me, maybe talk about settling down in the city instead of here… You know that partners compromise, right?”
Narininig ni Stacey ang sinasabi ni Santino habang naglalakad sila papalapit sa counter, ngunit mas rinig na niya ang malakas na pintig ng kanyang dibdib nang itaas na ni Jhoanna ang kanyang paningin.
Umigting ang kanyang panga nang magtama na ang kanilang mga mata, at ang mintis na lumiyab sa bilugang mata ni Jhoanna ay agad na lumamlam nang makita ang katabi niya.
“Stacey… long time, no see…” Ramdam ni Stacey ang pait ng pagbati ni Jhoanna. Kahit pa nakangiti ito kay Santino ay halatang hindi ito totoo.
“Oh! You’re friends with the cashier, Stace?” Hindi naman matapobre ang tono ng boses ni Santino, pero halatang nanggagaling ito sa posisyon ng pribilehiyo.
Hindi rin naman sa tanong napa-ubo si Jhoanna, kung hindi ay sa kaswal na pagsabi ng lalaki ng palayaw—isang indikasyon na malapit sila.
“Yes, cashier and… owner. That’s me!” May diin ang pagsagot ni Jhoanna, at ang tono nitong pang-korporasyon ay nakapagpatigil kay Santino. “Maybe try the drink made by this cashier first before saying something, right?”
Hindi napigilang makagat ni Stacey ang kanyang dila para pigilan ang sariling ngumiti. Hindi naman kasi siya pumayag na pumunta rito upang ipakain si Santino sa leon, o sa isang Jhoanna na matatas mag-Ingles kapag napupuntirya.
“Great! I’ll get a Flat White. Stacey told me to order something else, but coffee’s the best for the working man. Mahilig talaga siguro sa caffeinated drinks ang business people, noh?” Ngumiti pa nang malaki si Santino habang inaayos ang kanyang kurbata.
Nginisian naman siya ni Jhoanna, pilit na pinapakisamahan ang yabang na ipinapakita ni Santino, kahit bilang respeto na lamang kay Stacey. Pumindot sandali si Jhoanna at saka bumaling kay Stacey, na tila nawala na sa usapan dahil sa katititig sa may-ari.
“Matamis, mapait, o…” Lumingon muna si Jhoanna kay Santino bago ibalik ang tingin kay Stacey. “Pampalamig ng ulo?”
Napa-isip pa si Stacey ng kanyang gusto—siguro ay ‘yung tingnan din siya ni Jhoanna—bago diretsong sinagot ang tanong, “Wala—huwag na… hindi naman din ako masyadong gutom.”
Pagkasabi pa lamang nun ay naramdaman na rin ni Stacey na kumulo ang kanyang tiyan. Napahawak siya sandali dito kaya’t napakalas siya sa paghawak kay Santino.
Hindi napansin ng binata ito kahit pa nang maupo na sila nang magkatabi. Kahit pa man ganon, may pares pa rin naman ng mga matang hindi nawala sa pagtingin kay Stacey. Hindi yata kailan pa mawawala…
Nagsimula ang pagtutog ng isang kanta habang tinatapos ni Jhoanna ang paggawa sa order ng lalaki, pati ang order na ginawa niya para kay Stacey. Sa pagkumpas pa lamang ng gitara ay parang tutulo na ang luha ni Jhoanna.
Bakit ba binabasura ng iba ang babaeng pinapangarap niya?
If you, if you could return
Don't let it burn
Don't let it fade
Binuhat na ni Jhoanna ang tray na naglalaman ng isang basong Flat White, isang basong Strawberry Milkshake na palaging binibili ni Stacey, at isang platong may lamang iilang cookies na si Jhoanna mismo ang gumawa.
I'm sure I'm not being rude
But it's just your attitude
Habang naglalakad papalapit sa dalawa ay iniisip ni Jhoanna kung bakit parang hindi na nawala ang lamig na ipinararamdam ni Stacey magmula noong umamin siya. Hindi na ba talaga p’wede? Ayaw ba talaga ni Stacey na makita pa siya?
Piinipigilan ni Jhoanna ang sarili na bilisan ang paglakad, dahil pagdating niya roon ay ibababa lamang niya ang dala at hindi siya sigurado kung kailan muli makikita si Stacey. Mabuti pang habang naglalakad siya ay natatanaw niya ang babaeng hindi na mawala sa isip niya.
It's tearing me apart
It's ruining everything
At kahit pa hindi na rin mawala ang sakit ay tatanggapin ni Jhoanna.
Baliw na baliw na baliw na siya… At dahil ito sa babaeng nasa kanyang harap.
So why were you holding his hand?
Hindi naman malakas ang pagbaba ni Jhoanna ng kanyang dala sa mesa, ngunit bahagyang umalog ang foam art na nasa kape ng lalaki.
Is that the way we stand?
Were you lying all the time?
Nakatitig lamang si Stacey sa kanya, habang nalilito sa paglagay ni Jhoanna ng inumin at pagkain na hindi niya naman binili. Magkasalubong ang kilay nito, at halata ang galit sa makinis nitong mukha.
“Orders complete.” Tahimik na saad ng may-ari bago ito tumayo nang tuwid, sapat para makita ni Stacey ang tila nagsasalungat niyang mga emosyon.
Was it just a game to you?
Lubos na pagkalito ang nakikita ni Stacey, kasabay ng pagkirot ng loob niya nang dahan-dahang tumalikod mula sa kanila si Jhoanna. Hindi naman dapat ganito?
But I'm in so deep
You know I'm such a fool for you
Parang kasabay ng bawat tapak ni Jhoanna papalayo ang matigas na pagpintig ng puso ni Stacey na patuloy tumatapak ng kanyang paghinga. Napahangos si Stacey nang biglaang tumigil si Jhoanna, at dahan-dahan muling lumingon sa gawi niya.
You got me wrapped around your finger
Lalo pang huminga nang malalim si Stacey nang makita niyang mariing pumikit si Jhoanna, habang ang isang patak ng luha ay dumadaloy sa kanyang pisngi. Muli silang nagkatinginan at nang makita ni Jhoanna ang parehong pagkalito sa mukha ni Stacey ay nag-martsa siya mula sa kinatatayuan niya kanina.
“Hindi nawala…. Stacey, hindi na ata mawawala.” Nanginginig ang boses ni Jhoanna nang mag-umpisa siya.
Napatayo si Stacey na parang napaso siya sa kanyang kinauupuan. Hindi rin naman napansin ng kasama niyang nakatitig sa telepeno nito ang usapan nilang dalawa.
Do you have to let it linger?
“Mahal kita, Stacey…” Naibulalas na lamang ni Jhoanna ang mabigat na nilalaman ng kanyang loob. Agad na nawala ang nakadagan nang sumabog ang silakbo sa dibdib ni Jhoanna.
Napasinghap si Stacey sa narinig—mga salitang hindi niya inaakalang marinig mula sa dalaga.
“Mahal kita sa bawat pagpunta mo dito, sa bawat pagpasok mo sa buhay ko. Mahal kita sa bawat kape na binibili mo, o sa bawat biskwit na binibigay ko—kahit patago. Sa bawat paglapit mo, hindi ko alam kung anong gagawin—kung tatakbo ba…” Napatigil si Jhoanna at napalingon sa pintuan ng bodega.
“Mahal kita, Stacey… na sa bawat pagtakbo ko, mas lalo lang akong nahuhulog—”
“Akala ko ba wala na?” Napatigil si Jhoanna, at agad na inisip kung bakit siya nagtapat. Ito na nga ang kinatatakutan niya—ang maisawalang bahala ni Stacey ang kanyang nararamdaman.
“Sorry! Sorry talaga—pero gusto pa rin kita. Mahal pa rin kita, Stacey. Mahal pa rin talaga kita.”
“Ano ba sa tingin mo ‘yung dahilan bakit pabalik-balik ako dito… o bakit hindi na ako bumalik?” Natahimik muli si Jhoanna nang magsalita si Stacey. Malamig ang boses niya at parang tinitingnan siya na puno ng galit.
“Kasi… gusto mo ‘yung pagkain?—”
“Kasi hinahanap-hanap kita, Jhoanna!”
Napatingin na sa kanilang dalawa si Santino, hindi naiintindihan ang nangyayari at pabalik-balik lamang ang tingin mula kay Jhoanna papunta kay Stacey.
“Ginawa ko na ‘yung lahat eh! Humanap ako ng iba, nagtanong ako kung ano ba talaga ‘to, hanggang sa bumabalik pa rin sa iisang sagot. Jhoanna, ikaw rin naman ‘yung laman nito eh…” Napuno na lamang ng pagsang-ayon ang loob ni Stacey.
“At sorry Santino! Alam kong niloloko ko na lang ‘yung sarili ko… nababaliw na ako araw-araw kasi gusto kong ibigay ‘yung loob ko sayo pero hindi ko talaga magawa. Kahit anong gawin ko… gugustuhin ko pa rin na bumalik dito.” Halata pa rin na hindi maintidihan ng lalaki ang nangyayari.
“Hahayaan ko kayong mag-usap, Stacey… pero pagkatapos—mag-usap tayo?”
Mas mabilis pang umalis si Jhoanna na parang nahihiya sa ginawa, kaysa sa pag-iisip ni Santino sa nangyayari.
“I still didn’t get any of that…”
Pero si Stacey, naiintindihan na…
Magaan na ang loob niya, panatag na.
Hindi pala kape ang sagot sa lahat…
“Stacey! Stacey! Labas ka dali!” Halos sumabit pa nga ang palda ng estudyante nang hilahin siya ng kaibigan palabas ng kanilang silid-aralan.
Napakarami nang nakadungaw pababa mula sa koridor nila na nasa ikalawang palapag. Rinig na rinig ang tilian at hagikgik ng mga kaeskwela niyang babae.
Mas lalong lumakas ang hiyawan nang dumungaw siya pababa, saka niya namataan ang lalaki, tanda niya ay mula sa athlete section, na nakatingin na sa kanya habang may dalang isang tangkay ng rosas na may kakulay na teddy bear, at isang garapon ng stick-o.
Mas nagulat ang dalaga nang tingnan ang mga kaklase ng lalaki na nakatayo sa kanyang likod, hawak ang isang cartolina na may nakasulat na, ‘Stacey, samahan mo ko sa basketball game?’
Para sa isang normal na estudyante sa hayskul, nakakilig talaga ang nangyayari. Isang lalaking sikat sa kanilang paaralan na parang umaakyat ng ligaw sa isang babae maaaring tawaging muse.
Napatingin si Stacey sa kanyang kaibigan nang magsalita ito, “Stacey, um-oo ka na! Valentines Day ngayon kaya manood ka ng game nila. Bagay na bagay talaga kayo!”
Hindi maintindihan ni Stacey kung bakit ba sila pinipilit na ipareho sa isa’t-isa. Dahil ba sikat na basketball player ang lalaki, at panlaban sa beauty contest si Stacey?
Hindi maintindihan ni Stacey kasi masaya lang naman siyang pumasok sa araw na iyon dahil gaganapin din ang MAPEH Quiz Bee sa bulwagan at ninanais niyang manood, kahit na kilala niya na rin naman kung sino ang mananalo.
“Di’ba mamaya rin ‘yung quizbee? Doon ako pupunta…” Halata ang pagtataka sa mukha ng kanyang kaibigan.
“Ano ka ba! Hindi ka naman lalaban doon. Mas maganda na manood ka ng basketball, mas bagay sayo. Tsaka ‘yung Jhoanna sa kabilang section naman din mananalo sa quizbee, hindi naman section natin!”
Kaya nga gustong manood ni Stacey… Gusto niyang malaman kung paano laging nananalo ang talino nang siguradong valedictorian na si Jhoanna.
“Stacey, ‘wag ka nang tumanggi. Ang daming nakakita, nakakahiya kay Bryce…”
Sa awarding niya na naman makikita lang si Jhoanna. Hanggang sa hindi na rin siya nakadalo dahil hinahanap din siya ni Bryce sa Championship Game ng Intrams na sa ibang lugar ginanap. Ang pagtangging pumunta sa quiz bee dahil sa ibang tao ang magiging dahilan upang dahan-dahan niyang malimutan na may tao rin siyang minsang hinangaan; hindi ipinilit sa kanya, at kusa niya lang nilapitan.
“Stacey?” Nawala na ang pagliliyab sa boses ni Jhoanna habang ipinapatong niya ang pagkain sa harap nilang dalawa. Napalitan na rin ng maliit na ngiti ang kunot ng noo na tila hindi mawala sa mukha niya kanina.
Doon lamang bumalik sa katotohanan si Stacey. Nasa harap na niya si Jhoanna, at hindi na si Santino. Sampung minuto kasi pagkatapos ng pagtatapat ng dalawa ay saka naintindihan ni Santino ang nangyari. Ang buong akala pa man din ng binata ay may gusto sa kanya ang may-ari kaya ito ngiti nang ngiti. Hihingi pa man din ng paumanhin si Stacey sa nangyari ngunit ng marinig niya iyon ay nainis lamang siya.
Umalis na lang din si Santino pagkatapos makumpirma na ititigil na nila ang kung anumang relasyon ang meron sila. Kaya’t magkaharap na rin sa wakas ang dalawa…
“Ayos lang ba na mag-usap na tayo?” Naririnig ni Stacey ang pagkakaiba sa lambing ng boses ni Jhoanna ngayon at kapag nagtatanong siya sa mga tao kung ano ang bibilhin nila. Doon pa lamang ay hindi na makapaniwala ang dalaga.
“Ano ba ‘tong ginawa ko…” Hindi mapigilang sambit ng dalaga na muntik nang makapagpatigil kay Jhoanna. “Kung alam ko lang na kapag bibili ako ng kape dito, mahuhulog ako sa may-ari, hindi ko na talaga ginawa!”
“Nagsisisi ka ba?”
“Hindi.”
Nakangiti si Stacey nang tingnan siya ni Jhoanna. Sa wakas, nagtama na rin ang mga paningin nila…
“I want to be your girlfriend, Jhoanna. ‘Yun ang plano ko. Hindi ko naman alam na gusto mo pa rin pala ako… sentimental ka pala na simula high school pa lang ah—”
“Ikaw kaya ‘yung pinakamaganda sa school natin!”
Hindi na kailangang maghanap pa ng mga taong isasama sa kapihan, dahil sigurado na si Stacey sa taong sasamahan niya.
“At ikaw naman ang pinakamatalino kaya hindi rin naman ako lumalamang…”
“Matalino nga, pero natatanga naman pagdating na sa’yo.”
Wala nang taguan ng nararamdaman, wala nang patagong pagtingin. Makapagsasabi na ng nararamdaman at malaya na silang tumitig.
“Hello! Ilang buwan akong hindi pumunta dito kasi nababaliw na ako, so ano tawag mo sa akin?”
“Mahal ko.”
Mas masaya pala ang pagsara ng Cup of Jho sa gabi, basta’t ramdam na ni Jhoanna ang simoy ng pagmamahal ng dalagang matagal na niyang inaasam.
“Napaka-corny mo pala!”
“May mas corny pa dyan…”
“Sigurado ka?”
“Stacey, anong pinaka-masarap na kape sa mundo?”
“Okay, Jhoanna… ano?”
“Edi ang ma-kape-ling ka…”
THE END.
