Actions

Work Header

to sit in hell with you (langit lupa impyerno, im, im, impyerno)

Summary:

Nakalahati na niya ang kanyang tanghalian nang biglang magpakita si Arataki Itto.

“Hi.” Parang hindi alam ni Arataki Itto ang sasabihin. “Um. Puwede bang…?”

Tumango si Sara, bibig punung-puno ng pagkain, at nagmadaling ngumuya. Pito walo siyam sampu. Diyos ko. Nakakahiya.

Or: I took Poppy's lowkey Fil-Chi AU and made it full-on Fil (the jury's out on the Chi).

Notes:

LANGIT LUPA IMPYERNO, IM, IM, IMPYERNO, SAKSAK PUSO TULO ANG DUGO, IM, IM, IMPYERNO

bakit napaka-morbid ng mga laro natin, pinoys, anumeron asdkjfhaslkdjf

anyway poppy wrote fil-chi itsr aaaages ago and i fell in love with it. i always intended to translate it, and now i finally have!!!! i present to you: ittosara, pero si itto ay kanal at si sara ay...not quite aircon. electric fan, siguro?

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Mag-isang kumakain ng tanghalian si Sara sa hagdanan.

Hindi naman sa inaalipusta o inaapi siya ng mga kaklase niya. Ang katotohanan lang ay: ang mga lamesa sa kainan ay waluhan o sampuan, at wala siyang mga kaibigang puwedeng samahan kumain. Wala naman siyang kaaway sa kanyang mga kaklase, pero hanggang doon lang ang relasyon nila. Minsan hinihiram nila ang kanyang mga kuwaderno, o nagtatanungan sila ng marka sa eksamin, o nilalait ang mga guro nila, pero hindi na lumalagpas sa ganoon. Hindi iyon ibig sabihin na kaibigan ni Sara ang mga kaklase niya.

Sa ibang paaralan nag-aaral ang kanyang mga kuya, kaya hindi rin puwedeng sumama si Sara sa kanila o sa mga kaibigan nila. Pinag-aaral ni Kujou Takayuki ang mga kuya ni Sara sa eksklusibong paaralan na para sa mga lalaki lamang. Walang kaparehang na paaralan para sa mga babae. Kung meron man ay hindi rin naman papayag si Kujou Takayuki na bayaran ang matrikula. Kaya dito na nag-aaral si Sara. Hindi naman sa naghihirap siya. Pribado rin ang eskuwelahan na ito. Ngunit ang situwasyon ay: wala siyang kaibigan. Wala ring kapatid. Puwes: wala siyang lamesa. Puwes: hagdan ang bagsak niya.

Hindi naman siya tunay na nag-iisa sa hagdan. May mga mas matatandang estudyante, tigdadalawa o tigtatatlo, na umaakyat at sumisiksik din sa hagdan, hawak ang kanilang mga tanghaliang binili mula sa kantin. Dinig ni Sara ang chismisan at tawanan nila, ngunit hindi naman ito nakakadistorbo sa kanya. Mas gusto pa nga niyang ganoon. Maaari niyang isandal ang kanyang ulo sa dingding at magkunwaring kasali siya sa usapan.

Binuksan niya ang dalawang bakal na lalagyanan ng kanyang tanghalian. Ang isa ay puno ng okonomiyaki na may kanin; yung isa may lamang lansones, maingat na siniksik para magkasya sa maliit na espasyo.

Nagsimula siya sa okonomiyaki, dahil ang prutas ay panghimagas at hindi puwedeng unahin ang panghimagas. Pinagsabay niya sa isang subo ang okonomiyaki at kanin, nginuya ito sa mga bilang ng lima. Uminom din siya ng malamig na tubig mula sa malaking termos na bitbit sa balikat. Hindi uso ang mga ganong termos pero napakainit sa Pilipinas at hinding-hindi niya ipagkakait sa sarili niya ang malamig na tubig.

Nakalahati na niya ang kanyang tanghalian nang biglang magpakita si Arataki Itto.

“Hi.” Parang hindi alam ni Arataki Itto ang sasabihin. “Um. Puwede bang…?”

Tumango si Sara, bibig punung-puno ng pagkain, at nagmadaling ngumuya. Pito walo siyam sampu. Diyos ko. Nakakahiya.

Maingat na umupo si Arataki Itto sa hagdan kung nasaan si Sara, nag-iiwan ng kaunting distansya sa gitna nilang dalawa. Mula sa kanyang bakpak ay naglabas ito ng plastik na lalagyanan, at binuksan upang kunin ang kutsarang bakal na nakasiksik rito. Adobo flakes at kanin ang kanyang tanghalian.

Hindi dapat panoorin ni Sara si Arataki Itto habang kumakain, ngunit di niya mapigilan ang sarili. Liban sa kanilang—pagiging magkaribal, siguro, pero hindi naman talaga—hindi masyadong kilala ni Sara si Arataki Itto. Saka lang sila nag-uusap kapag sinisigawan ni Sara si Arataki Itto at ang kanyang mga kaibigan dahil nag-iingay sila sa klase. Tsaka minsan, magkalaban sila sa table tennis. Sa mga araw na iyon, tumitigil ang buong klase upang panoorin silang maghampasan ng bola. Masyado nilang sineseryoso ang kanilang kumpetisyon, lalo na’t minor sabjek lang ang P.E.

Kaya kataka-taka na narito si Arataki Itto ngayon. Una sa lahat: bakit hindi niya kasama ang mga kaibigan niya? May sarili silang lamesa sa likod ng kantin kung saan sila nag-iingay. Kasama nila sina Yanfei at ang mga kaibigan nito, dahil si Yanfei at si Shinobu ay magka-MU. (Hindi sila. Importanteng puntos.) Hindi magkaibigan si Sara at si Arataki Itto. Kaya anong sumapi sa kanya at nagpunta siya rito, umupo sa maduming pulang lapag, at kumain kasama niya?

Nilunok ni Sara ang okonomiyaki at kanin. Tatanungin na nga lang niya. “Arataki Itto, bakit ka nandito?”

Napatigil si Itto sa pagsubo sa sobrang pagkagitla. Tunay nga, isa siyang katatawanan. “Ah, eh!” Hindi siya makasagot, kaya sumubo na lang ito at tinuro ang sariling ngumunguya, na parang bang sinasabi, Ay, di ako makakasagot! Kumakain ako.

Di napigilan ni Sarang umirap. “Para kang bata.”

“Hindi kaya!” protesta ni Itto, bibig punung-puno ng pagkain.

“Oo kaya,” ani Sara, at itinuro ang kutsara niya kay Itto. “Tsaka ang kadiri mo.”

Halatang asar si Itto, pero lumunok muna bago sumagot. “'Wag kang assuming,” sabi niya. “Gusto ko lang maiba ngayon, kaya sinamahan kita.”

“Bakit?” Patapos na si Sara sa pagkain niya. Kinutsara niya ang—sa kanyang hula, pangatlo-mula-sa-huling subo ng okonomiyaki at kanin, at nginuya ito. Nagsalubong ang kilay ni Itto habang nag-iisip ito. Hirapan siguro ang maliit niyang utak mag-isip ng isasagot.

“Basta,” sabi ni Itto, sa wakas.

Napatawa na lang si Sara. ‘Yun lang?

“'Wag mo nga akong tawanan!”

“'Wag ka kasing tanga.”

“Alam mo, Sara,” sabi ni Itto. Ang boses niya ay sukdulan ng drama. “Napakasama ng ugali mo.

“Sa susunod na makita kitang tumatakbo sa loob ng eskwela, isusumbong talaga kita kay Ms. Yae.”

Nadismaya si Itto. “Uy, 'wag!”

“Anong ‘wag?” Tapos na si Sara kumain. Niligpit niya ang pinagkainan, at inilabas ang lalagyanan ng prutas. “Masyado nga akong mabait sa iyo at sa gang mo, eh.”

Halatang asar muli si Itto, pero pinili nitong manahimik at kumain na lang ng adobo flakes.

Sinimulan ni Sarang balatan ang hinog at naninilaw-nilaw na lansones. Napansin ni Itto, at halos dumungaw para panoorin ito.

“Sana all,” bulong niya. Palabiro, pero may halong pagnanasa.

Napatigil si Sara at napaisip. Ilan bang lansones meron siya? Tinignan niya ang lalagyanang iniwan niya sa hagdanan, at binilang. Pito.

Halos iduldol ni Sara kay Itto ang binalatang prutas. “May sobra ako,” paliwanang nito. “Kaya puwede ka pang kumuha ng isa mamaya. Lima lang naman gusto ko.”

Napatunganga na lang si Itto sa kanya. Para bang isa siyang kakaibang hayop. “Ha?”

Tanga, sumagi sa isip ni Sara, at napakagat sa labi. Hindi talaga siya dapat assuming. “Kung gusto mo lang naman. Kung ayaw mo—”

“Uy, hindi!” bulalas ni Itto. “Gusto ko! Kung inaalok mo.”

Inalok ulit ni Sara ang lansones. Dumaplis ang kanilang mga daliri nang kinuha ito ni Itto, pero wala namang ibig sabihin iyon.

Tinabi ni Itto yung balat at isinubo ang isang piraso. “Salamat,” sabi niya, habang ngumunguya.

“Walang anuman.” Kumuha si Sara ng isa pang lansones at binalatan itong muli.

Tahimik silang kumain, tumitigil lamang para iluwa ang mga buto. Nang matapos ni Itto ang unang lansones, inabutan siya ni Sara ng isa pang nabalatan na niya.

“Alam mo, Kujou Duwag,” sabi ni Itto, habang kumukuha ng isa parang piraso, “‘di ka naman pala sobrang nakakatakot.”

Ano?”

“‘Yung mukha mo kasi, parang laging…‘wag mo’kong lapitan, ganon. Kalahati ng mga kaibigan ko, takot na takot sa’yo.”

Hinding-hindi aamin si Sara na kumirot ang puso niya. “Problema na nila ‘yon,” sabi niya. Pagkagat niya sa lansones, malakas ang tunog ng pagsalubong ng kanyang ngipin.

“Diba? Sabi ko nga eh!” ani Itto. Ha? “Tsaka, basta bigyan ako ng prutas, kaibigan ko na habambuhay.”

“Ha?”

“Magkaibigan na tayo. Wala ka nang magagawa.”

“Ha.”

“Hakdog. Hindi ko na sasayangin itong moment na ito, ‘no! Pang-sine ‘to. Hades-Persephone eme. Pero ano, magkaibigan lang.”

“Ikaw ba si Persephone,” ani Sara, gulung-gulo sa nangyayari.

“Malamang.” Sinubo pa si Itto ng lansones. “Ang galing ko kaya maging Persephone.”

“...Sige na nga.” ‘Wag maliin si Sara—wala naman siyang problema sa nangyayari ngayon. Pero—? Anong mundo ito? Naglolokohan ba sila? Hesusmaryosep, sila ba’y—nagbabangayan?

Paulit-ulit sa kanyang isip: magkaibigan?

“‘Lam mo pati, hindi mo naman kailangang laging mag-isa.” Nagsasalita pa rin si Itto. “Masaya rin naman dito, pero may upuan pa sa’min. Tsaka hindi mabuti para sa utak mo ‘yung palaging sobrang tahimik. Hihina pag-iisip mo.”

Masyadong naasar si Sara para pansinin ang una niyang sinabi. “Hoy, honors ako.”

Inirapan siya ni Itto. “Tapos? Kalahati rin naman ng klase.”

“First honor ako, tanga, iba ‘yon!”

Halatang sinisikap ni Itto na hindi tumawa. Kahit na ang daming pangaral sa kanya ni Kujou Takayuki na huwag magsayang ng pagkain, ramdam na ramdam talaga ni Sara ang pagnanasang batuhin si Itto ng prutas.

“Sa’kin na nga ‘yang pomegranates na ‘yan,” sabi ni Sara. “Umalis ka na sa Underworld, ngayon din.”

“Ayaaaaw. Samahan mo muna ako.”

Inisip ni Sara ang kantin, punung-puno ng tao, punung-puno ng kanilang mga mapanuring tingin. “Ayoko nga,” madamdaming sabi nito. “Tsaka nauna ako dito.”

Natawa na si Itto. “Sige na nga. ‘Di ako puwedeng sumuway sa supplier ko.”

Waging tumango si Sara, at muli silang tumahimik. Nilasap ni Itto ang natitirang lansones, at sa sobrang bagal niyang kumain, binigyan pa siya ulit ni Sara. Nilapag niya ito sa taas ng plastik na lalagyanan ni Itto. Ang sagot na ngiti ni Itto ay sinliwanag ng araw na sumisikat sa tag-init, at kinailangan ni Sarang umubo at ilayo ang tingin. Tinuon niya ang lahat ng pansin sa pagbabalat ng isa pang lansones.

“Bukas sumabay ka na sa’min,” alok ni Itto, nang isa na lang ang natirang lansones. Ang naninilaw na balat at itim na buto ay magkakatabi, nakasiksik sa kanyang lalagyanang plastik. “Magkakilala naman kayo ni Shinobu.”

Kinagat ni Sara ang labi bago sumagot. “Pero hindi kami magkaibigan.”

Binalewala ni Itto ang kanyang sinabi. “Alam kong gusto ka niyang maging kaibigan. Hoy, dali na, Kujou Duwag! ‘Wag mong sabihin masyado kang mataas para sa’min, ha.”

“Hoy, hindi naman sa—” protesta nito, tapos napansin niyang ngumingiti si Itto, at naalala niya, magkaibigan na tayo.

Ang tamang sagot ay: Salamat, pero ‘wag na lang.

Ang lumabas sa bibig niya ay: “Paano ako sasabay, eh kahalati sa inyo, takot sa’kin.”

Bumulalas ng tawa si Itto. “Ang kalahati sa’min ay dalawa! Masasanay rin sa’yo si Genta at Mamoru. Dali naaaa.”

“Pero…”

“Libre kitang milo con yelo,” akit ni Itto.

Lintik ‘yan. Paano niya nalaman? Matagal na niyang gustong bumili, pero hindi siya binibigyan ng baon ni Kujou Takayuki. Lahat ng pagkain niya ay galing sa bahay.

“...Sige na nga.”

Ang ngiti ni Itto, umabot sa magkabilang tenga.

Naghati silang dalawa sa huling lansones. Sa pagkagat ni Sara, ang bumati ay katas na pagkatamis-tamis.

Naisip ni Sara, Parang kinabukasan nila.

Notes:

kiss muna kung nakaabot ka dito. mwahugs to poppy, me, and the five other filipino ittosaras.
AND!!!! HOY MGA BAKLA. vote kayo sa ITTOSARA WEEK PROMPTS! tapos sali na rin kayo ittosara week, nov 10-16 2024!

IMPORTANT QUESTION FROM POPPY: Is Sara too aircon to understand "Ha? Hakdog."????