Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2024-08-08
Words:
3,951
Chapters:
1/1
Comments:
31
Kudos:
260
Bookmarks:
16
Hits:
3,185

DR. QUACK QUACK, HELP US

Summary:

“Ga, kahit anong pilit nilang pag hiwalayin tayo, hinding hindi tayo maghihiwalay ha? kakapit tayo sa isa’t-isa ano man ang mangyari. Walang asungot ang makakatibag ng pagmamahal natin sa isa’t-isa—”

 

Ang kronolohiya ng estoryang ito ay ang panahon na alam na nila Dk ang relasyong dalawa.

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Kapag bata ka, ang iisipin mo lang talaga ay kung paano makakatakas sa nanay mo tuwing tanghali no? Yung pinipilit kang matulog ng tanghali pero kahit anong limbag mo hindi ka talaga dadalawin ng antok lalo na at ang ingay ng palakpak ng mga kaibigan mo sa labas ng bahay niyo.

 

Kasalukuyang nakahiga si Mingyu sa lantay sa bakuran nila, kakatapos lang niyang pakainin ang mga alagang manok. Nag lalaba ang mamay niya at dahil tanghali na nga, kailangan na niyang matulog dahil palo ang aabutin niya kapag hindi siya natulog. 

 

Ala una na ng tanghali at ang tanging maririnig mo lamang ay ang ihip ng hangin at huni ng mga ibon, drama sa radyo, at ang mga kapitbahay na nanonood ng It's Showtime at Eat bulaga.

 

Kanina pa siya palimbag limbag at kinukusot na rin niya ang mga mata dahil masakit na ito kakapilit niyang matulog. Ilang minuto lang ay narinig na niya ang palakpak sa labas ng bahay nila. Dahan-dahang sinuot ang bagong biling spartan na tsinelas na kulay pula saktong pantakbo, walang ingay siyang pumuslit sa bakuran at naabutan ang mga kaibigan na si Choy at Dk sa ilalim ng puno ng mansanitas. Tinutulungan ni Choy si Dk na tanggalin ang kung ano mang dumi ang meron sa ilong nito. 

 

“Goy!” tawag ni Dk nang mapansin siya nito. Napalingon naman si Choy sa kaniya. 

 

“Tara na! Baka mahuli pa tayo ni Mamay!” -Choy.

 

Napakamot sa ulo si Mingyu. “Pwede bang daanan muna natin si Wonu? Ayaw niya kasi nang umaalis ako na hindi siya kasama.” aniya.

 

Umikot ang mata ni Choy at pinatunog ang kaniyang mga daliri. “Oh sige! Para talaga kayong mamamatay kapag pinaghiwalay!” bulyaw nito. Pasimpleng ngumiti si Mingyu sa narinig. Hindi ko ata kaya kapag naghiwalay kami, Choy. Kaya oo, mamamatay ata ako kapag pinaghiwalay kami.

 

Binaybay nila ang daan sa ilalim ng naglalagablab na init ng haring araw. Naka sandong puti si Dk na pinaresan ng jersey shorts at may naka patong na puting lampin sa ulo niya, si Choy naman ay naka itim na t-shirt na may naka imprintang “DOMO lover ako” at si Mingyu na naka plain gray shirt at black jersey shorts. Nang matanaw ang bahay ni Wonu ay napagpasiyahan nilang si Mingyu na lang ang magtawag kaysa sa kanilang tatlo. Ang rason ni Choy ay “Para kapag nilabas tayo ni Wilmar, ikaw lang ang mapepektusan.” isang simbolo ng tunay na kaibigan. 

 

Maingat na nagtungo si Mingyu sa bintana ng kwarto ni Wonu. Sinigurado niyang hindi siya maglilikha ng ingay.

 

“Ga! Pangga!” Pabulong niyang sigaw.

 

Ilang ulit pa niya itong tinawag hanggang sa may ulong unti-unting sumisilip sa bintana. Nagtama ang mga mata nila at agad na sumilay ang ngiti ni Mingyu nang makita ang mukha ng kaniyang pangga. Ang kyut talaga ang bilog ng pisngi sarap halika– ay mali, may promise nga pala kami. Ay pwede pala sa pisngi hehe.

 

Sinenyasan siya ni Mingyu na lumabas ng bahay. Sumenyas din si Wonu na maghintay siya. Sinarado muna ni Wonu ang bintana bago humarap sa salamin. Inayos niya ang kaniyang magulo na buhok dahil kakagaling niya lang sa idlip. Naghilamos siya at tinanggal ang panis na laway na nag ala mapa sa kaniyang pisngi, at pagkatapos ay pumuslit ng pulbo galing sa bag ng kaniyang mamay. Kumuha rin siya ng Juicy cologne sprightly sprinkle green at saka ito pinanligo sa buo niyang katawan. 

 

Nang makontento sa hitsura ay pumuslit na siya sa kusina kung saan may maliit na butas na kasya siya palabas ng bahay nila. Agad siyang sinalubong ni Mingyu ng yakap at halik sa tuktok ng ulo nito.

 

“Bango mo naman, ga.” aniya. Ngumiti lang si Wonu sa kaniya at hinawakan ang kamay nito at pinagsiklop ang mga daliri nilang dalawa. 

 

“Tara na bago magising si Mang Ben.” -Choy.

 

Kumunot ang noo ni Mingyu. “Ha? Bakit? Akala ko ba dito lang tayo maglalaro?”naguguluhan niyang tanong.

 

“Alam ko na kung saan sila naglalaro. Ang sabi ni Jerrod natutulog daw sila kapag tanghali pero nakita namin sila ni Mamay kahapon sa proper dun pala sila naglalaro. Ang dami nila dun.” sumbong ni Dk.

 

“Kaya pupunta tayo dun. Humanda sa’kin yang Jerrod na ‘yan.” -Choy.

 

“E anong kinalaman ni Mang Ben?”

 

“Edi nanakawin muna natin yung sidecar niya, baka magising na yun ang tagal kasi mag ayos ng isa diyan wala namang nagbago sa hitsura.” parinig ni Choy na nginiwian lang ni Wonu sabay tago sa likod ni Mingyu.

 

“Tara na.” putol ni Mngyu at bahagyang tinulak si Choy kaya muntik itong ma tisod.

 

“Aba sinadya mo no?” sigaw nito sa kaniya. Patay malisya siyang umiling. Pinakitaan siya ng kamao ni Choy bago pumihit at naglakad.

Ngumiti siya kay Wonu at hinimas ang ulo nito. 

 

Nang makitang tulog na tulog ang matanda ay pinuslit ni Choy ang sidecar nito at tinulak palayo para hindi maglikha ng ingay. 

 

“E pano ‘yan? Dalawa lang ang pwede…” -Dk

 

“Ikakandong ko si Wonu,” humarap si Mingyu sa nobyo. “Ga, okay lang sa’yo na kandong kita?” maamo at malumanay nitong tanong. At bilang maldita, isang taas ng kilay lan ang sagot ni Wonu habang kagat kagat ang loob ng pisngi niya. 

 

“Tara na!” singit ni Dk.

 

****

 

Nahihirapan si Choy sa pagpadyak ng sidecar dahil sa bigat ng tatlong angkas niya, si Dk ay pinipilit ang sarili na aliwin ang mga mata mula sa paglilibang sa tanawin para lang maiwasan ang pag tingin sa mag jowa sa tabi niya. Kandong kadong kasi ni Mingyu si Wonu habang nakabaon ang ulo niya sa leeg nito at sinisinghot ang pabango nito. Pinaglalaruan naman ni Wonu ang mga braso nitong nakapulupot sa baywang niya. Tahimik ang byahe nila at tanging “putangina ang bigat” lang ni Choy ang naririnig. Hindi naman kalayuan ang proper sa baryo nila. Pwede nga itong lakarin pero dahil gusto ni Choy ng komplikadong buhay ay mas pinili nitong nakawin ang bisikleta ng matanda nilang kapitbahay. Nang makarating sila ay agad nilang nakita ang isang batalyon ng mga bata. Tama nga si Dk, nandito ang mga batang naglalaro. Kahit ang mga kapitbahay nila ay nandito. 

 

Nagliwanag naman ang mata ni Wonu nang makitang may nag cha-chinese garter sa gitna ng mga batang naglalaro ng sticker, pogs, at patintero, mga larong hindi niya tipo. 

 

Agad siyang napatingin kay Mingyu. “Pang dun ako sa mga nag cha-chinese garter ha!” masigla niyang paalam habang tinuturo ang mga batang naglalaro. Tumango si Mingyu bago hinigit ni Choy papunta sa mga nag papatintero.

 

Lumapit si Wonu sa mga naglalaro. Hinawi niya ang imaginary bangs niya bago kinalabit ang mother ng mga nag cha-chinese garter. Punong puno ng hairpin ang buhok nito. May kulay pink pang bimpo ang likod at umaalingasaw ang pabango nitong bench so in love. 

 

“Pwede sumali?” maamo niyang tanong. 

 

 

Tinitigan siya ng naka hairpin bago tumango. 

 

Ang naka hairpin ang unang tumatalon bago tapakan ang chinese garter at si Wonu naman ang unang humahakbang. 

 

“Ang ganda ng hairpin mo, anong pangalan mo? at saan mo nabili ‘yan?” 

hindi na nga niya natiis at talagang tinuro pa niya ang isang hairpin na punong puno ng diamante. 

 

“Ah ito ba? si mommy ko ang bumili nito e. Gusto mo sa'yo na lang?” 

 

Nanlaki ang mata niya sa gulat. Namula rin ang matambok niyang pisngi. 

 

“Talaga?” 

 

“Oo ba. Ito oh.” tinanggal nito ang suot niyang hairpin at nilagay sa ulo ni Wonu. 

 

“Ako pala si Hannie.” ngumiti si Hannie sa kaniya at bahagyang inayos ang takas nitong buhok. 

 

“Bagay sa'yo.” puri nito. Ngumiti si Wonu. 

 

“Hoy tabachoy!” naputol ang usapan nila nang sumingit si Choy at hinila si Wonu. 

 

“Si Mingyu may sugat, tara uwi na tayo!” 

 

Agad siyang nataranta at tumakbo sa kung saan man ang nobyo niya. Hindi na siya nakapag pasalamat sa bagong kaibigan. Ano nga ulit ang pangalan nun? 

 

Nanginginig ang kamay niya nang makita ang dugo sa tuhod ni Mingyu. Kahit mahapdi ay hindi nito napigilan si Mingyu na ngumiti at mamangha sa ganda ng nobyo habang may hairpin sa buhok. 

 

“Ga, ang gand– aray!” napaigik siya sa sakit ng hampas sa kaniyang balikat galing sa pulang pula na ngayon na si Wonu. 

 

“Ang laki laki mong tao ang lampa lampa mo! saan ang masakit ha? e ki-kiss ko, pang.” nakangusong tanong ni Wonu. 

 

Pinunasan ni Mingyu ang pawis sa noo ng kausap gamit ang manggas ng kaniyang damit. 

 

“Hoy Mingyu lalabas na yung pari ang harot mo talaga, tara na baka mapatay na tayo ni Mang Ben!” singit ni Dk at sumakay na sa sidecar. Walang magawa ang dalawa kundi sumunod pero hindi na kumandong si Wonu sa kaniya at sa halip ay si Mingyu na ang naka kandong kay Dk habang nakaupo naman si Wonu sa pwesto ni Mingyu kanina. Magkahawak pa rin ang kamay nilang dalawa habang namimilipit sa sakit si Dk dahil sa bigat ni Mingyu. 

 

 

***

 

“Ga, kahit anong pilit nilang pag hiwalayin tayo, hinding hindi tayo maghihiwalay ha? kakapit tayo sa isa’t-isa ano man ang mangyari. Walang asungot ang makakatibag ng pagmamahal natin sa isa’t-isa—” 

 

“Kailan ba kayo sisigaw ng “Doctor Quack quack, help us”? naknang tipaklong kayo!” putol ni Dk na kanina pa pala kinakagat ng langgam ang paa. 

 

“Sandali lang! hoy boss goy dito ka sa baba ko, ikot ka sa braso ni Wonu tapos lusot ka dito sa baba ko bilis! babalian ko kayo ng buto!” may halong pagbabantang utos ni Choy na agad namang sinunod ni Mingyu. 

 

“Doctor Quack quack help us!” sigaw nilang tatlo. Nang humarap sa kanilang tatlo si Dk ay naglaglagan na ang mga butil na luha nito. 

 

Si Choy ang pinaka unang bumitaw sa kanilang tatlo at agad na dinaluhan si Dk. Si Min at Won ay magkahawak kamay pa rin na lumapit kay Dk. 

 

Ang ending ay hindi nila natapos ang laro at napilitan pang samahan si Dk na umuwi kahit alam nilang papagalitan silang apat. 

 

Habang naglalakad pauwi ay nanguha na rin ng dahon ng bayabas si Choy para ilaga at ibabad ang paa ni Dk na pulang pula na ngayon at may mga butlig pa. 

 

“Huwag ka nang umiyak, kiks. Sabi ni mamay ang tao daw kapag kinagat ng langgam ay matamis ang dugo. Ibig sabihin ay sweet kang tao, ‘di ba pang?” inosenteng ani ni Wonu at naka angkla pa ang kamay sa braso ni Mingyu. 

 

“Sinasabi mo bang diabetic ako?” tanong ni Dk. 

 

Hindi ko naman sinabi, ang sabi ko sweet kang tao hindi diabetic, bobo ka ba?” at naglaho na ang inosenteng Wonu kanina. 

 

“Ang sabi mo matamis ang dugo edi diabetic ikaw pala ang bobo e!” balik ni Dk sa kaniya. 

 

Inikutan siya ng mata ni Wonu. Totoong concern naman siya sa kaibigan pero gusto na lang niyang lagyan ng krus bawat bilog na kinagat ng langgam sa paa ni Dk. 

 

 

***

 

Ang pinaka gustong parte talaga nila Dk tuwing may pasok ay tuwing may meeting ang mga guro dahil malaya silang nakakapaglaro sa labas. Kagaya na lang ngayon, halos lahat ng mga kaklase nila ay nasa labas. Merong naglalaro ng pogs, sticker, at syempre hindi mawawala ang mga nagsasabong ng gagamba na pinapangunahan ni Choy. Kuyom kuyom ni Mingyu ang posporo niyang may laman na gagamba. Nangangati na ang paa niyang tumayo at makisali lalo na at sigaw ng sigaw si Dk na tila nag e-enjoy ng sobra pero hindi naman siya maka takas kay Wonu. 

 

Kasalukuyan silang nasa loob ng classroom. Silang dalawa lang habang nagpapadamihan sila ng tao sa libro. Ang nasa kaliwang parte ng libro ay kay Mingyu habang ang sa kanan naman ay kay Wonu. Kung sino man ang may pinaka konti ang bilang ng tao ay makakatikim ng pitik sa kamay. Ang napili nilang libro ay ang English for you and me. 

 

“Isa, dalawa, tatlo… siyam! siyam ang sa akin, pang.” malambing na ani ni Wonu. Syempre silang dalawa lang kaya pabebe siya at hindi mukhang dragon. 

 

Natanggal ang tingin ni Mingyu sa labas at nabalik kay Wonu at matic na napangiti dahil sa ganda nito lalo na tuwing nawawala ang mata nito kapag ngumingiti. 

 

“Pito lang akin, ga!” nilahad na niya ang naka kuyom na kamao para sa pitik ni Wonu. Pinitik ni Wonu ang kamay nito hanggang pang anim, para sa pang pito ay imbis na pitik ay pinatakan ito ni Wonu ng halik na ikinagulat ni Mingyu. 

 

“Punta ka na dun, ipanalo mo si gagamboy ha?” 

 

Nanlaki naman ang mata ni Mingyu. Halata pala siya. 

 

“Ga, interesado ako sa'yo ha? sayang lang talaga gagamba ko kung mabubulok dito sa posporo ko.” 

 

Ngumuso si Mingyu at hinimas pa ang pisngi nito. Ngumiti at tumango si Wonu bago kumuha ng bimpo at polbo sa bag niya. 

 

“Alam ko naman, pang. Talikod ka muna popolbohan kita.” aniya at sinunod naman ni Mingyu. Nilagyan niya ng kaonting polbo ang likod nito bago nilapat ang bimpo. Pagkatapos ay kumuha rin siya ng Bench so in love dahil nainggit siya sa kalaro niyang nagbigay ng hairpin sa kaniya pero yun nga lang, nakalimutan na niya ang pangalan nito. 

 

Inisprayhan niya ang buong katawan ni Mingyu. 

 

“Ayan! hindi mo na kaamoy sila Dk.” tinapik ni Wonu ang likod nito hudyat na tapos na. 

 

Umikot si Mingyu paharap sa kaniya at luminga linga bago patakan ng halik ang noo nito. 

 

“Labyu ga…” 

 

“I love you, pang.” 

 

 

***

 

Ang araw ng mga puso ay hindi naman inaabangan ng mga batang grade 6. Marami pa nga ang hindi masaya dahil gastos lang para bumili ng mga bulaklak para sa mga guro nila pwera na lang kung nakaka angat angat ka sa laylayan at may pang choconut kang pabaon kasama na ang kumpol ng santan. 

 

Hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw ay nasa bakuran na si Mingyu at gumagawa ng bouquet ng rosas. Punong puno ito ng pinaghalong pula at puting rosas. May mga kumpol ng santan naman para sa guro niya. 

 

“Min? may binalot pala akong mga moron dito ibigay mo sa guro mo. Meron din akong para sa inyo nila Teofilo.” biglang sumulpot ang mamay niya sa bakuran kaya taranta niyang itinago ang rosas sa likod niya. 

 

“Oh sige po mamay, ibibigay ko po mamaya.” ngumiti siya upang itago ang kaba. 

 

“Oh siya, maligo ka na at ma le-late ka na” 

 

 

***

 

Puno ang mga kamay ni Mingyu ng mga bulaklak at tig iisang supot ng barnuts na ibibigay niya sa mga guro niya mula grade1 hanggang ngayong grade 6. Sa kabila ng mga supot ng barnuts ay may nag-iisang supot na naglalaman ng mga curly tops. Isang box ito na pinag ipunan pa niya mula pasko dahil mahal. At para kanino pa nga ba? Edi para kay Wonu na abala sa pag me-memorize ng commercial jingle ng isang brand ng shampoo. May munting program kasi at ang kalaban nila ay ang kabilang group. 

 

Kering keri vs. Sunod sa galaw  

 

Anim kada myembro ang bawat grupo at may isang daang puntos na agad ang sasali. Pati si Choy ay nasa team Kering keri na rin at dahil kasali si Choy ay syempre dawit si Dk. Si Mingyu lang ang hindi kasali dahil ito ang laging inuutusan ng mga guro kaya may puntos na agad siyang pundo. Si Wonu ay nasa team Sunod sa galaw at malas lang dahil grupo pa sila ni Roxette at dahil wala siyang buhok na mahahawi hindi tulad ni Roxette na mahaba ay binabawi na lang niya ito sa pag kembot. 

Sumusunod sa galaw mo, sumusunod sa galaw mo
'Pag wala ka, ikaw ang hinahanap ko
Sumusunod sa galaw mo, sumusunod sa galaw mo
'Pag wala ka, ikaw ang nasa isip ko

 

Habang nag aayos ng mga module si Mingyu ay hindi niya maiwasang sulyapan ng tingin si Wonu na seryoso sa pagsayaw at pagkanta. Nang magtama ang mata nila ay agad na iniwas ni Wonu ang tingin at hinawi ang bangs habang nag pipigil ng ngiti. Humalakhak si Mingyu dahil sa ginawa ni Wonu at di naiwasang manggigil. Mamaya sa’kin yang pisngi na ‘yan. Naputol lang ang paninitig niya nang umiyak na ang leader ng kabilang grupo dahil kay Choy.

 

“Kung hindi kayo mag se-seryoso, umalis na lang kayo.” saway sa kanila ng vice leader habang inaalo ang umiiyak na leader. May nag-aayos din sa buhok nito. 

 

“Ito na nga oh sasayaw na, huwag ka nang umiyak wala ka namang luha.” sagot ni Choy at sinusuklay ang daliri sa imaginary niyang buhok. Napailing nalang si Mingyu dahil wala na atang pag-asa ang kaibigan niya. Bago lumabas ay sinulyapan muna niya ng isang beses si Wonu at kumindat. Lumabi pa ito ng isang “Labyu” bago nilisan ang silid. 

 

Alas dyes na nang magsimula ang program. At nanalo ang grupo nila Wonu dahil hindi sabay sabay ang grupo nila Choy pero nakitaan naman ng pagseseryoso si Choy at Dk, nakakasabay naman sila kahit papaano. 

 

Tuwang tuwa si Wonu at lalapit na sana siya kay Mingyu nang maunahan na naman siya ni Roxette. Lumapit siya nang kaonti, sapat lang para marinig ang pag-uusapan ng dalawa kung sakali. 

 

“Min, para sa’yo pala…” sabay abot nito ng hugas pusong tsokolate. Nilagay niya ang takas ng buhok sa likod ng kaniyang tenga. Sa bandang likuran ay kumikibot-kibot na ang labi ni Wonu at ngumiwi pa ito. Huwag mong tatanggapin please…

 

Nagdadalawang-isip si Mingyu kung tatanggapin ba niya ito o hindi pero sa huli ay tinanggap niya pa rin. Para kay mamay na lang ‘to. 

 

Bagsak ang balikat ni Wonu at bigong nagtungo sa tambayan nila pagkatapos ng klase. Dahil araw ng mga puso ay matik na na walang pasok sa hapon. Mabuti na lang may baon siyang kanin kaya di na niya kailngang umuwi. Pero wala naman siyang ganang kainin ito dahil sa bigat ng nararamdaman niya sa dibdib. Hindi nga lang niya mawari kung ano ang tawag dito, basta ang alam niya lang ay hindi siya masaya sa nakita kanina. Parang tinambol ang puso niya nang makitang tinanggap ni Mingyu ang bigay ni Roxette. Hindi na niya tuloy alam kung ibibigay ba niya ang ginawa niyang sulat, wala kasi siyang ipon na pera kaya hindi siya makabili ng pagkain. 

 

Pumikit siya at dinama ang simoy ng hangin. Nagsilbing musika sa kaniyang tenga ang ingay na likha ng pagsayaw ng mga palay at huni ng mga ibon. 

 

“Nandito ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap, pangga.” malambing na ani ni Mingyu. May butil pa ng pawis ang noo kaya ginamit niya ang bimpong bigay ni Wonu para pamunas. Tinignan lang siya ni Wonu sa gilid ng mata nito bago niyakap ang tuhod at pinaglaruan ang mga daliri sa paa. Napansin agad ni Mingyu ang ihip ng hangin sa pagitan nilang dalawa kaya pumwesto at umupo siya sa likod nito ang sinakop ang distansiya nilang dalawa. Pinulupot niya ang mga braso sa katawan ni Wonu at pinatakan ng munting halik ang likod ng ulo nito hanggang batok. Amoy baby… baby ko. 

 

“Anong problema natin?” malambing niyang tanong. Pinatong niya ang baba sa balikat nito. 

 

“Problema ko lang kasi isip ko ‘to, bakit ka nakiki share ng problema?” pagtataray niya. Imbes na mainis ay natawa lang si Mingyu sa kasungitan nito, Sanayan lang ito mga boss. 

 

“Mas mabilis masosolusyonan ang problema kapag share e, kaya makiki share ako, anong problema natin?” 

Umismid si Wonu at mas lalong sumandal sa kaniya. 

 

“Problema ko si Roxette, ano? makiki-share ka?” tinaasan niya ito ng kilay. 

 

“Bakit mo problema si Roxette? Crush mo ba siya?” -Mingyu

 

“Ew! Bakit ko naman magiging crush ‘yon?” 

 

“E pinoproblema mo siya e.”

 

“Hindi ako, okay? Ikaw! Ikaw ang crush niya no! Binigyan ka nga niya ng tsokolate e!” bulyaw nito. Tinikom ni Mingyu ang bibig ni Wonu gamit ang kaniyang mga daliri. 

 

“Huwag ka pong sumigaw. Hindi ko naman gusto si Roxette.” malambing nitong ani.

 

“Talaga? E bakit mo tinanggap ang bigay niya?” 

 

“E kasi po ibibigay ko ‘yun kay mamay. Kaya nga umuwi muna ako tapos pagbalik ko sabi nila Choy nawala ka na raw.” paliwanag niya at hinawi hawi ang buhok ni Wonu na tumatabon sa noo nito. Mabuti na lang at mahangin sa kubo kaya kahit tanghaling tapat ay hindi masyadong mainit. 

 

Hindi sumagot si Wonu sa kaniya at sa halip ay kinuha lang nito ang kamay ni Mingyu na nakapulupot sa kaniya at saka pinaglaruan ang palad at daliri nito. Hindi rin niya maipaliwanag ang nararamdaman niya. Basta ang alam lang niya, sumisikip ang dibdib niya kapag naiisip na may gusto si Roxette kay Mingyu at tinanggap pa nito ang binigay sa kaniya. Parang binabaliktad ang tiyan niya at sa halip na maduwal dahil sa pagbaliktad ng sikmura ay mas gusto niyang umiyak. Ang gulo. Hindi niya mapangalanan. 

 

“Ayaw mo ba, ga? Nasaktan ba kita? Sorry po.” senserong paghingi ng tawad ni Mingyu. Ang makitang tahimik si Wonu ay nagdudulot ng paninikip ng dibdib niya. Dalawa lang naman kasi ang rason kapag tahimik si Wonu. Natatae o nasasaktan. 

 

Nasasaktan? OO, nasasaktan ako. 

 

Bumuntong hininga si Wonu at kinolekta ang bawat saloobin. 

 

“Masakit dito pang,” tinuro niya ang dibdib gamit ang daliri ni Mingyu. “Yung parang nilulukot yung dibdib ko, hindi nga ako makahinga kanina e tapos parang nasusuka ako kasi sumakit din yung tiyan ko. Muntik na nga akong maiyak e kaso ang init kaya imbes na umiyak, tumakbo na lang ako dito.”

 tinignan siya nito gamit ang namumungay na mga mata. 

 

“Nagseselos ka ga. Sorry po.” niyakap siya nito at binaon ang mukha sa leeg niya.

 

Selos… yun nga ang nararamdaman ko. Selos.

“Ang sakit pala dito pang,” tinuro niya ang dibdib. “Ayokong magselos, pang. Hindi kasi ako maka hinga kapag ganun.” 

 

“Opo. Ayoko rin maramdaman mo yun, ga. Sorry ha? Hindi ko sinasadya. Promise. Nag promise ako sayo na aalagaan ko puso mo, di ba? Nasa number 5 ‘yun. Pasensya langga.” humarap si Wonu sa kaniya kaya pinatakan niya ng halik ang tungki ng ilong nito, 

 

Kitang kita ang pag balatay ng hiya at kilig sa mukha ni Wonu dahil sa pag pula ng magkabilang pisngi nito. Agad siyang nag-iwas ng tingin at muling sumandal sa morenong nakayakap sa kaniya. 

 

“Para ka talagang sira! Kainis!” labas sa ilong niyang ani. Kinikilig kasi. 

 

Pareho nilang pinapakiramdaman ang isa’t-isa nang tumunog bigla ang tiyan ni Wonu.

 

“Gutom na ako, pang.” 

 

“May dala ako ditong moron, bibingka, at softdrinks. Kain na tayo.” 

 

Habang abala si Mingyu na mag ayos ng mga pagkaing dala niya ay abala naman si Wonu sa paninitig sa kaniya. Hindi nakatakas sa mata niya ang kumpol ng mga rosas, ang box ng chocolate, at ang nakaipit na sulat nito. Palihim siyang napangiti. 

 

“Pang, bakit mo ako mahal?” napatigil si Mingyu sa ginagawa at napatingin sa kaniya. 

 

Sandaling nag-isip ito bago ngumiti at umiling. “Hindi ko alam e.” 

 

“Huh? E bakit ka nag a i love you sa akin?” 

 

“Kailangan ba ng dahilan?” tanong nito at saka siya sinubuan ng pinagbalatang moron. Dahil puno ang bibig nito ay tango lang ang sinagot niya. 

 

“Oh sige sasagutin ko. Syempre nag a “I love you” ako sa’yo kasi gusto kong marinig mo na mahal kita.”

 

Tumango si Wonu. “E ano bang ibig sabihin nun?” Inosenteng tanong nito habang kumukunot ang ilong dahil sa pagsinghot ng imaginary uhog. 

Matagal na nag isip si Mingyu ng sagot. Tumingin ito sa kaniya at gumiti ng bahagya bago sumagot.

 

“Sa totoo lang pangga… hindi ko rin alam. Basta ang alam ko lang, masaya ako kapag magkasama tayo. Masaya ako kapag sinusubuan kita ng pagkain. Masaya ako kapag hinahatid kita sa bahay niyo. Masaya ako kapag napapangiti kita, napapatawa. Masaya ako kapag sinusungitan mo’ko. Masaya ako kapag nakikita kitang masaya. Baka yun yung ibig sabihin ng pagmamahal. Pero ewan ko, hindi ako sigurado. Baka oo, o baka hindi. Basta ang importante payapa ako kapag nandiyan ka.” 

 

Mahabang paliwanagan pero iisa lang ang ibig sabihin. 

 

Unti-unting lumapit si Wonu sa kaniya at pinatakan ng halik ang pisngi nito. 

 

“Mahal din kita, pang.” 




Notes:

Please check the thread to see the photos for visualization ha oa! hahahaha

Song used: Kanlungan by Noel Cabangon