Work Text:
Tapat ang Monasteryo ng Baixue sa pangalan nito, lalo na kapag sumasapit ang taglamig.
Natatabunan ng niyebe ang bakuran ng monasteryo at ang bubong na tisa ng mga gusali, hanggang ang nakikita na lamang ay ang mga pinto at bintana na may sala-salang pagkakayari at kulay putik na kapansin-pansing salungat sa kaputian ng mga pader.
Maihahalintulad ang tanawing ito sa garing na masusing inukit o kaya ay sa isang napakagandang larawang ipininta sa sutla gamit ang tinta at mapusyaw na pangkulay.
Kamangha-mangha itong tingnan, ngunit hindi lamang ang kariktan nito ang hinahangaan at itinatangi ni Song Lan.
Sa pangangalaga at patnubay ng monasteryo natutunan ni Song Lan ang halos lahat ng kaniyang nalalaman sa buhay.
Dito siya unang humawak ng pinsel na kaniyang isinawsaw sa tintang hango sa uling ng langis na siya mismo ang nagkiskis sa batong ligisan.
“Mayroon lamang kayong isang pagkakataon upang sumulat nang walang pagkakamali,” ani ng kaniyang shifu. “Subalit kung kikilos kayo bago lumaki ang bahid ng tinta sa papel, maaari ninyong maisalba ang inyong pagkakamali at gawin itong isang obra.”
Wala nang panahon upang mag-alinlangan sa sandaling nakiskis at natunaw na ang tinta, naisawsaw na ang pinsel, at inangat na niya ang kaniyang kamay upang sumulat. Kung mag-aalinlangan siya, matutuyo at mamumuo ang tinta bago pa ito makapag-iwan ng bakas sa mundo.
Kaya naman hindi nag-atubili si Song Lan sa sandaling naisawsaw na niya ang pinsel at nabahiran na niya ang dayaming papel. Buong ingat siyang gumawa ng mga guhit mula sa mga bahid ng tinta hanggang magkaroon ng katuturan ang mga ito. Hindi maganda ang kinalalabasan ng kaniyang mga gawa sa simula, ngunit palagi niyang tinitiyak na may kabuluhan ang mga ito.
Nagbunga rin ang kaniyang pagpupursige at pagsasanay. Hindi kalaunan, lumakas at tumigil na sa panginginig ang kaniyang maliliit na kamay na puno ng tinta hanggang hindi na siya nakakagawa ng malalaking pagkakamali.
“Kasudlong ninyo ang pinsel,” paalala ng kaniyang shifu sa mga disipulo. “Kailangan ay inyong ganap na napapamunuan ang inyong isipan at katawan, saka lamang ninyo magagawa ang bawat hakbang nang buong-pitagan.”
Mabilis na natuto si Song Lan. Hindi katagalan ay nakakabuo na siya ng maganda at makabuluhang kaligrapiya.
Dumating ang panahon na kinailangan niyang ipagpalit ang pinsel para sa espada at fuchen.
“Hindi lamang basta sandata ang hawak ninyo; mayroon ding buhay na nakasalalay sa inyong mga kamay,” ani ng kaniyang shifu. “Dapat ay timbangin at pag-isipan nang mabuti ang bawat hakbang, at kailangan itong gawin nang may layunin, nang may dangal at sanghaya, dahil ang bawat kampay ay maaaring makapagligtas o makapagwakas ng buhay.”
Isinapuso ni Song Lan ang turo ng kaniyang shifu. Lubos ang kaniyang pag-iingat at pagpapahalaga sa mundong ginagalawan niya, lalo na kapag mayroon siyang dalang espada at fuchen. Ipinako niya ang kaniyang pag-iisip upang mapansin niya maging ang pinakamaliliit na pagbabago at hakbang na nakakaapekto sa balanse at daloy ng kaniyang mga galaw.
Napalitan kaagad ang kaniyang kahoy na espada ng mas mabigat na espadang pang-ensayo na walang talim.
Hindi alintana ni Song Lan kahit siya ay hapo o hinihingal na, o kahit napuruhan ang kaniyang balikat. Hindi niya hinayaang mangatog ang kaniyang kamay o panghinaan siya ng loob habang hawak niya ang kaniyang sandata. Tinitiyak niyang wasto at walang kapintasan ang kaniyang bikas, gayundin ang bilis at gaan ng kaniyang mga kilos.
“Kasudlong ninyo ang espada at fuchen,” paalala ng kaniyang shifu sa mga disipulo. “Kailangan ay inyong ganap na napapamunuan ang inyong isipan at katawan, saka lamang ninyo magagawa ang bawat hakbang nang buong-pitagan.”
Bago pa man mabasag ang tinig ni Song Lan, matikas na ang kaniyang tindig at galaw. Makikita sa kaniya ang paninindigan ng isang berdugo, katiyakan ng isang manunudla, at gilas ng isang mananayaw.
Noong nabuo't lumalim na ang kaniyang boses, mahusay na siya sa kaniyang larang at nakakapag-isa na siya sa panunugis sa dilim. Kaniyang katuwang sa tuwina ang may buhay na espadang pinanday para lamang sa kaniya. Pinangalanan niya ito na Fuxue.
Pagsapit sa hustong gulang ni Song Lan, sa bakuran ng Monasteryo ng Baixue na natatabunan ng niyebe, sa lupang dinanakan ng kaniyang luha’t pawis, ginawaran siya ng kaniyang shifu ng bagong pangalan.
Siya na si Song Zichen.
Gaya ng lahat ng turo na ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang shifu at lahat ng kaniyang alaala ng monasteryo, pahahalagahan ito ni Song Lan nang may lubos na pagpipitagan. Gayunpaman, lilipas ang maraming taon bago sila magkakakilala ng tao na tatawag sa kaniya sa pangalang iyon nang may tunay na paghanga at paggalang.
