Actions

Work Header

Bumubulabog, Bumabagabag

Summary:

Ang dami-dami-dami-daming naiisip ni R-ji, na ang puno't dulo lang naman ng lahat nito ay si Tomas. Si Tomas talaga.

Notes:

DISCLAIMER: Fictional lang po ito, at produkto ng kahibangan ng manunulat. Maláy po ako sa reyalidad ng totoong búhay, at batid ko ang limitasyon bilang fan. Sana kayo rin, batid ang limitasyon (o kawalan nito) pagdating sa paglayag ng hiraya ng mga manlilikha. <3 Please never harass real people for the "pRoBlEmAtIc" fictional things they create because Fiction is NOT Reality, and harassing/bullying people will not be tolerated in Brgy. Magiliw.

Paki basa ang mga Tags nito, kasi kung uncomfortable kayo, it's ok. You don't have to read it. ^^

Stream of consciousness eme ang style nito so, expect lotsa commas and long paragraphs, kasi trip ko mag-experiment lang, haha! Tinry ko talaga kunin 'yung speech pattern ni R-ji, ang hirap pala mag-1st POV HAHAhuhu! Enjoy, mga magiliw!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Nagsimula lang 'to sa biro. Nagkatuwaan. Napagtripan. Pero, habang tumatagal, parang... parang iba na. May iba na.

Ako. 

Ako 'yung may problema. Joke time lang naman talaga 'tong lahat, e ba't ako nagkakaganito? 

Siguro, kasalanan 'to ng mga magiliw— 'de, charot, nanisi pa 'ko 'no? Kasalanan ko rin naman 'to. Kasalanan? Teka lang, parang mali din 'yun a. Wala namang mali sa pag-ibig. Tsaka, wala din naman 'yun sa kontrata ha. Malaya naman kaming magmahal.

E sino ba kasing nagsabi na totohanin ko? Pang-fanservice lang, pero deep down, e iba na? Ano 'yun, R-ji? Ang gulu-gulo mo! Pre ka nang pre, ano 'to, Pare Mahal Mo Raw Ako part 2? Wow, pinalitan talaga sina EA at Michael? Ang guwapo pa naman du'n ni EA— Hoy! Ang gulo! Ang gulo mo! Ang gulo ko! Itulog ko na nga lang 'to... Charot, asa. Kanina pa nga 'ko nandito, nakahiga lang sa kama, iniisip si Tomas, at pano kayâ kung umamin ako, pano kayâ kung magtapat ako, pano kayâ kung niregaluhan ko siya ng something special para sa birthday niya, o yayain siya sa labas, kunwari may kukunin, labada kunô, ganu'n, pero, date pala! O kahit simpleng dinner lang, pagkatapos ng training, o sa Sunday na lang kayâ? O 'di ba, nakatulog ba 'ko sa lagay na 'to? Anyare sa "pahinga lang ako" pero heto ngayon, pagód na nga sa training, pagod pa sa kaiisip. Hay...

Ilang gabi pa bang ganito? Ilang taon? Ang hírap palang magtago ng totoong nararamdaman. Dati, kapag inaasar akong bakla, porket mahilig sumali ng pageant-pageant, porket mama's boy ako buhat ng pagkawala ni papa, porket pinag-aaralan ko kung pano kumanta nang mataas, porket tinry ko ring matutong sumayaw, na para bang bakla lang ang puwede maging close sa nanay, o pambakla lang ba ang pagkanta at pagsayaw? Dati, dati talaga, naiilang ako sa mga ganu'n na banat na para bang ang samâ-samâ ng ginagawa ko, na para bang ang samâ-samâ ng bakla, kayâ ayaw ko maging ganu'n, kasi may ganu'n na pagtingin e. Siyempre, sino ba gusto maging salbahe ang image? Tsaka, hindi naman ako nagkakagusto sa lalaki e. 'Tapos, heto, heto ngayon. Puwede pala 'yun?

Buong búhay ko, mababaw na crush-crush lang ang alam ko. Mga magaganda na nadadaanan sa hallways ng school, mga nakasabay sa dyip, mga napapatitig sa 'yo habang kumakain sa labas so mapapatingin ka na rin at suwerte na lang kung cute 'yung girl, basta, 'yun, mga tao na 'di ko naman magiging kaano-ano. Hanggang du'n lang usually ang pagtingin ko. Noong college, masyado naman ako nag-focus sa aral lang. Well, aral at games, sige, inaamin ko, 'yun na siguro ang pinaka-jowa ko, aral at games. Kung may sariling kompyuter lang kami, baka ito na 'yung pinakasalan ko. Siguro, sa kakasabi ko kay mama na siya lang ang babae sa búhay ko, kayâ siguro ako nagkaganito? Ewan. Pano ba 'to. Wala akong alam sa ganito, sa love-love, sa pakikipagrelasyon. Ibang-iba naman pala kasi at 'di katulad ng pelikula o teleserye. Bakit ganu'n? Puro boy-girl pa ang mga palabas. Parehas lang din ba kung boy-boy din? Kapag ba umamin ako, kikiligin din ba siya? Kapag hinawakan ko ba kamay niya, hihigipitan ba niya ang paghawak? Kung nag-movie date ba kami at nag-fake yawn at stretch ako para maakbayan siya, sasandal ba si Tomas sa 'kin, gaya ng ginagawa sa pelikula? O puwede ba akong sumandal sa kaniya at bulungan siya ng, ewan, siguro, "Mahal yata kita" o kung ano pang korni na linyahan, ano kayâ, may pa-mahal-din-yata-kita ba pabalik? Kung niyaya ko siyang magsayaw sa ulan, at bigla na lang pumuslit ng halik? Ano magiging reaksiyon niya? Grabe, ang dami na nitong mga eksenang 'di naman magkakatotoo. Parang káya ko yatang magsulat ng libro ng mga guniguni ko. Ganito talaga, tuwing naiisip kitâ, Tomas, at araw-gabi iyon, mga eksenang mula sa pelikula, pero hindi naman táyo ang bida, talunan lang ako rito, sa sarili kong pag-iisip, bitag lang din 'tong mga ekse-eksena, at sure ako na ako lang naman ang nag-iisip ng ganito, at malaya kang umibig ng iba, alam kong hindi ako 'yun dahil nakukunweto mo naman sa 'kin, at alam ko pa rin ang tipo mo, at hindi ako 'yun.

Siyempre, sa gawa-gawa ko, ako 'yung mahal mo, ako 'yung kayakap mo, 'yung unang mukha na makikita mo sa aga, 'yung—

Tok! Tok! Tok! Tok!

"R-ji? Ay, tulóg—"

"Tomas!"

Bigla siyang bumangon at nagkunwaring nag-uunat-unat. 

"O tara! Kain na!"

"A... Oo, oo..."

"...Uy?"

"Ha? Ano 'yun?"

"Ayos ka lang ba? Lalim ng tingin, pre."

"May... naiisip lang."

"Ano naman?"

"Ikaw."

Napalunok si R-ji, pero nangahas siyang tumingin nang diretso kay Tomas, na napatitig lang, pero natawa rin. 

"Ay, ikaw talaga! Hahahaha! Baba ka na, ha? Luto na 'yung ulam!"

Sinarado ni Tomas ang pinto. Naiwan si R-ji, iniisip na paano kung nalaman ni Tomas na hindi na pala biru-biro ito.

Notes:

Baka gawan ng Part 2.