Actions

Work Header

Nokia 6230

Work Text:

"Pre, may opening nga palang part-time sa gallery ng kakilala ko. Bakit di mo i-try?" Biglang alok ng may-salaming si Fukuda sa kanyang best friend na si Rikuo habang nakatitig sa katatapos na laro sa Sega. "Maganda naman bayad, saka madali trabaho. Sayang naman."

"Hindi ko sure ano gagawin ko sa gallery."

"Madali lang! Magbubuhat ka lang, mag-aayos ng display. Marami kang kasama." Patuloy niyang pagkumbinsi habang nakatingin kay Rikuo na napa-sindi ng sigarilyo. " Saka mahilig ka di ba sa camera?"

"Ibang usapan siguro yung makita mo yung mga picture na naka-display."

Nasanay na si Rikuo sa mga pasaring ni Fukuda sa kanyang buhay, anupa't best friend niya ito mula pa noong college. Pero magkaiba naging takbo ng landas nila - siya, palutang-lutang at tila walang pangarap habang si Fukuda'y tila nagmamadali sa buhay, may magandang office job at girlfriend na maipagmamalaki. Naghihintay pa nga ang kotse niya sa labas.

Hindi na sila madalas magkita ni Fukuda simula nang nagkahiwa-hiwalay silang magkakalase, hanggang sa bumisita ito ulit at ibalita ang pagbabalik ni Shinako sa Tokyo. Si Shinako, ang babaeng nagpatibok sa puso ni Rikuo pero hindi niya napa-ibig. Kung di lang sa dalang alak at pulutan ng kaibigan ay napalayas na lang niya ito sa inis.

Pero iyong mga alak at pulutang iyon din ang pinagpapasalamat niya kapag bumibisita si Fukuda, dahil may mapagbubuntunan siya ng nararamdaman. Maiintidihan siya nito kahit na minsan ramdam niyang kinakahiya ni Fukuda ang naging takbo ng buhay niya.

-----

Part time lang din ang trabaho ni Rikuo sa art gallery pero mas interesante ang kanyang ginagawa kumpara sa pagtitiis sa masusungit na customer sa convenience store. Pero mabagal ang oras sa mga galleries; walang mabigat na exhibit ang magpapalimot kay Rikuo sa depresyong nararamdaman. Hindi man lahat ng naka-exhibit ay sikat at kumikita, di naman matatangging naka-unos na sila kay Rikuo. Isa na sana siya sa mga may exhibit kung di lang siya duwag.

May kakilala man si Fukuda sa gallery, di nito nagawang bumisita - anupa't di rin naman siya artsy. Isip nga ni Rikuo iniwan na lang siya ni Fukuda sa ere - daig pa siya ni Haru, ang weirdong babaeng may crush sa kanya na "dumadaan" doon paminsan-minsan. Hindi nga man lang siya tinawagan nito para kumustahin. Wala siyang karapatang magtampo, bulong na lang niya sa sarili. Alam niyang busy ito sa trabaho at sa kanyang syota.

Kaya laking tuwa niya nang bumisita si Fukuda sa gallery nang malamang may entry siya sa isang photo exhibit.

"Sabi ko na sa iyo kaya mo naman kung gusto mo..." Puri niya kay Rikuo habang nakatitig sa nakasabig sa ding-ding. "Kaso di ka talaga mananalo dito, pre. Di 'to deep."

"Tama na, dinidiin mo pa sugat ko!"

Kung tinanggap siguro niya ang alok ni Fukuda na pautangin siya, baka mas maganda nakuha niyang camera - at mas maganda din ang resulta. Nanaig nga lang ang hiya - yung trabaho pa nga lang niya sa gallery ay malaki nang utang na loob. Kalimutan na ang paghihinayang - ang pagbisita ni Fukuda, sa gitna ng busy nitong trabaho, ay ayos na para gumaan ang loob niya.

-----

"Alis na 'ko. Hahabulin ko pa yung tren." Pagmamadaling paalam ni Fukuda, na siyang kinagulat ni Rikuo. May kotse naman siya, bakit kailangan niyang magmadali?

"Ha? Nasaan na yung kotse mo?"

"Binenta ko."

Halos nalaglag ang panga ni Rikuo sa panghihinayang. "Binenta mo? Yung mamahalin mong kotse?!"

"Kailangan eh. Mamaman-hikan na ako." Deklarasyon ng kaibigan. "Magpapakasal na kami."

"T-te-teka, anong sinasabi mo?" Nasundan pa ng isang explosibong rebelasyon ang gulat ni Rikuo. "Kailan 'to? At bakit ngayon ko lang 'to nalaman?"

"Sensya na pre, biglaan lang 'to." Klaripikasyon ng may-salamin habang hawak ang doorknob. "Papadalhan kita ng invitation! Saka kukunin ka naming photographer."

"Huwag mong sabihing nabuntis mo siya-"

"Hindi! Bye!" Paalam nito, nagmamadaling bumaba ng hagdan. Iniwan si Rikuo na di maproseso ang lahat ng narinig.

Si Fukuda siguro ang mauunang magpakasal sa kanilang magkaka-klase. Pero bata pa naman sila - bakit kailangang magmadali? Sa bagay, iba rin ang takbo ng utak ni Fukuda kay Rikuo. Nakaplano na ang buhay niya hanggang sa kaliit-liitang detalye. At bumalik sa isip ni Rikuo ang sinabi ni Fukuda nung minsan itong lasing - wala naman akong magagawa sa takbo ng lipunan natin, kaya susunod na lang ako. Iyong pagpapakasal nga nito ang patunay sa kanyang konserbatibong pag-iisip.

Kaunting inis ang naramamdaman ni Rikuo pagkatapos. Malakas sumumbat si Fukuda sa kanyang kawalan ng direksyon pero siya nama'y walang direksyon para sa sarili, tinatangay lang sa agos ng karamihan. O pwede ding lahat ng sinasabi ni Fukuda noon pa ay pagpasa ng kanyang mga pangarap sa kanya? Lagi nilang pinaguusapan ang mga pangarap ni Rikuo, pero di kailanman nabanggit ni Fukuda ang sa kanya.

-----

Mahilig si Fukuda sa mahjong, kaya pag nag-aya ito sign na iyon na lasing siya. Gaya ngayong pauwi silang lahat mula sa class reunion; iyon nga lang nandoon si Shinako. At dahil nandoon siya walang choice si Rikuo kundi ihatid siya pauwi. Alam nga lang niya sa sarili na kahit ilang beses silang magkasama, tila ba wala ring patutunguhan ang kanilang relasyon. Binasted na siya ni Shinako, at para bang siya na lang ang nananatiling nakakapit para isalba ang pagkakakibigan nila ng babae (at anumang pag-asang natitira para sa kanya.)

Pagkabalik sa kanyang apartment, isang namumugtong Fukuda ang sumalubong sa kanya, hawak ang isang sleeping bag.

"Ginagawa mo dito?" Pagtataka niya habang papikit-pikit ang mata dahil sa antok.

"Pwede ba muna akong matulog dito?" Pakiusap ni Fukuda sa kanya. Di malaman ni Rikuo kung patawa o pagmamaka-awa ang tono ng boses ng best friend. "Pinalayas ako ng syota ko."

"Hay, dinamay mo pa ako sa mga problema niyo." Walang nagawa si Rikuo kundi buksan ang pinto, iniisip na maswerte siya bilang single. "Malapit na kayong magpakasal nagda-drama pa kayo ng ganyan."

Saglit lang ang pag-dadrama ni Fukuda habang pinagsasaluhan nila ang kapeng tinimpla ni Rikuo. Nauwi rin iyon sa pagtulog ng kaibigan habang nakatitig lang si Rikuo sa telebisyon, nagpapalipas ng antok. Hindi man lang nag-abala si Fukuda na magpalit ng damit habang nakasalampak lang sa sahig, humihikab kasabay ng mahinang tunog ng palabas sa TV.

Hanggang sa ang mga hikab na iyon ay napalitan ng mahinang bulong ni Fukuda sa sarili...

"Gagawin ko lang naman 'to kasi wala akong choice..." Pinatay ni Rikuo ang TV para mapakinggan ang kaibigan. "Alam mo iyon, malaki ang expectation ng mga magulang ko sa sakin. Grumaduate, magtrabaho, magka-asawa, lahat iyon para sa kanila..."

Hindi sigurado si Rikuo kung tulog ba talaga si Fukuda sa puntong iyon. Nakapatong ang kamay nito sa kanyang tiyan, tinatamaan ng liwanag ng buwag mula sa bintana. Ngunit pinili niyang huwag sumingit, o kaya gisingin siya. Mahirap kalabanin ang taong bagong gising...

"Siguro naman mabait na akong anak ngayong magpapakasal na ako, no? Magkaka-apo na rin sila, siguro naman di na nila ako kukulitin. Saka mahal naman ako ng girlfriend ko, sure ako doon. Di na siguro iyon masama..."

"Ang swerte mo nga." Di rin napigilan ni Rikuo na sumagot.

"Ikaw nga maswerte, kasi malaya kang gawin anong gusto mo...anong masaya para sa iyo." Tuloy lang si Fukuda sa kanyang hinaing. "Siguro nga mas duwag ako sa iyo. Sensya na ha, kung lagi kitang inaasar dahil sa situwasyon mo. Gusto ko lang naman huwag mong sayangin yung...kabataan mo."

Bumalik din si Fukuda sa pagtulog pagkatapos noon. Hindi rin maintindihan ni Rikuo kung ano ba ang punto ng kaibigan, pero sigurado siyang malungkot si Fukuda. Malungkot na iiwan niya ang kanyang mga pangarap para sa isang kumportableng buhay. Pero sino nga namang di maghahangad noon? Kahit siya humihiling noon paminsan-minsan. Pero ang lahat ng bagay may kapalit, ika nga nila.

Ngunit naputol ang repleksyon ni Rikuo nang narinig si Fukuda na bumalik sa pagsasalita. "Ang laki-laki mong tao sinasayang mo katawan mo..." Ang maiiyak nitong tono kanina ay napalitan ng halakhak, tawang wala sa personalidad nito. "Habol ka ng habol kay Shinako ayaw naman niya sa iyo. Dapat pala pinatulan na kita noon pa..."

Ang kamay ni Fukuda na nasa tiyan niya kanina ay unti-unting bumaba sa lugar na di inasahan ni Rikuo. Wala iyong malisya dapat para sa kanya, pero sa mga naririnig di maiwasang tumayo ang kanyang mga balahibo. Lasing nga ba ako kaya kung anu-ano naririnig ko? 

Ngunit naulit ang bigkas ni Fukuda sa pangalan niya. Rikuo...Rikuo...at nasundan pa iyon ng ilang beses pa. "Alam kong imposible 'to pero sana pagbigyan mo ako, kahit ngayong gabi lang..."

Sa huli'y tumigil lang sa pagdedeliryo ang kaibigan, habang si Rikuo'y di malaman ang nadarama habang nakakip-kip sa isang sulok ng kwarto. HIndi siya sigurado kung nailabas ni Fukuda ang kanyang nararamdaman...

Maswerte nga siguro siya na maraming nagmamahal sa kanya, isip niya. Kasama doon si Fukuda, sigurado siya...di nga lang sa paraang iniisip niya ngayon.

-----

"Heto, regalo ko sa iyo." Abot ni Fukuda kay Rikuo ng isang paper bag. Madalang bumisita si Fukuda sa convenience store, kaya isang malaking sorpresa kay Rikuo ang nangyayari ngayon. At least isang araw na di lang si Haru ang kukulit sa akin dito, isip niya.

Laman ng paper bag ang isang envelope...at kahon ng cellphone.

"Ano 'to?" Pagtataka ng lalaki habang hawak ang kahon. "Ikaw yung ikakasal tapos ikaw nagreregalo sa akin?"

"Para di ka mahirapang i-contact ako." May punto nga naman siya. "Saka para di ka na mahirapan sa mga date mo!"

Paguwi ni Rikuo binuting-ting niya ang kahon - di lang cellphone ang laman noon, kundi isang bilin mula sa kaibigan.

"Mag-text ka." Sulat ni Fukuda. Nakasulat ang kanyang cellphone number sa likod ng papel. "Saka galingan mo sa gallery."

Wala iyong paghingi ng tawad, o isang pag-amin, di gaya ng inasahan ni Rikuo. Lasing nga lang talaga siguro si Fukuda. O baka nakalimutan lang niya ang wala-sa-tono nitong kalokohan nung huli silang magkasama.

O sadyang kinalimutan na lang iyon ni Fukuda, dahil alam niyang iyon ang mas makakabuti. Kasisimula pa lang ng 2000s, at ilang dekada pa ang dadaan bago bumuti ang bagay-bagay...