AO3 News

Post Header

Published:
2017-10-08 14:35:08 -0400
Original:
Five Things Naomi Novik Said
Tags:

Limang Bagay na Sinabi ng Isang Boluntaryo ng OTW

Paminsan-minsan, magsasagawa ng Q&A ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) sa isa sa mga boluntaryo nito tungkol sa kanilang karanasan sa OTW. Ipinapahayag ng paskil ang mga pansariling pananaw ng bawat boluntaryo at maaaring hindi sumasalamin sa pananaw ng OTW o nagsasaad ng patakaran nito.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ating ika-10 anibersaryo, mayroon tayong espesyal na mapag-gunitang Limang Bagay ngayong buwan. Ang paskil ngayon ay kay Naomi Novik, isa sa mga tagapagtatag ng OTW, dating miyembro ng lupon, kasalukuyang kawani ng Komite ng Aksesibilidad, Disenyo at Teknolohiya. Ang sumusunod ay ang sipi ng panayam na na-edit na upang mas maging maikli at malinaw.

Kamusta ang unang taon ng OTW? Ano ang pinaka-natatandaan mo tungkol dito?

Hindi ko masyadong matandaan ang mga rurok ng panahong iyon, pero napansin kong mas naaalala ko sa paglipas ng panahon ay ang mga problema. Sa simula, napakarami ng trabahong kailangang gawin para tiyakin sa mga tao kung ano ang aming ginagawa, katulad na lang na hindi sila masasangkot sa [ligal na] gulo, na may paraan para bigyan sila ng pamamahala sa kanilang mga kwento. Isa pang bahagi noong unang taong iyon ay may ibang mga taong umaasang may makikita kaagad sila 5 minuto pagkatapos naming mabuo! Tipong, nasaan na ang Archive of Our Own - OTW (Ating Sariling Sisidlan)? Pero lahat ng ito ay kailangan ng sapat na oras, maraming mga problemang sumusulpot habang binubuo ang mga bagay-bagay mula sa wala na pinanggalingan ng OTW. Ang pilosopiya ko dito ay isulong ang paggawa ng isang bagay habang may kasiglahan pa, at mas mabuting makagawa ng isang bagay na hindi perpekto kaysa hindi makagawa ng kahit ano.

May mga tiyak na paraan kung saan ang isang napapanatiling samahan ay hindi umaandar sa masidhing dedikasyon; gayundin, nais mo ring magamit ang dedikasyon na ito. Sa tingin ko, naging hamon sa amin kung paano patakbuhin ang isang organisasyon habang pinapalago ito. Marami sa mga detalye ay hindi ko na matandaan ngayon -- makakalimutin ako sa mga ganitong klase ng bagay dahil kapag hindi ko na problema, nakakalimutan ko na, wala na lamang ito.

Isang halimbawa ay ang pagtaya kung ano ang kakalabasan ng Komunikasyon [para sa OTW at bilang isang komite]. [Ang mga naunang boluntaryo ay] pawang nasa LiveJournal, kaya patungkol sa komunikasyon, akala ko puro palihan lang, pagkatapos ay magpapaskil na lang ang mga tao mula sa OTW sa kanilang mga talaarawan at kakausap sa ibang mga tagahanga sa indibidwal na antas. At hindi iyon masyadong gumana ng maayos, at hindi man ako personal na kasama doon pero natatandaan ko ang pakiramdam nang pagkabigo na hindi kami nagtatagumpay sa paggawa ng nais naming gawin doon.

Mas sangkot ako sa teknikal na aspeto, kung saan marami rin kaming napagtaluhan doon. Dahil ang tanong ay, gusto mo bang disenyuhin muna, na makuha mo ang lahat sa paraang gusto mo, at saka mo ito itatayo, o magsisimula ka na lamang ba na magtayo? At matindi ang paninindigan kong tama ang naging desisyon namin. Nagsimula kami nang basta at nagsimulang magtayo. Sa pangkalahatan, masaya naman ako sa naging tagumpay ng estratehiyang iyon, at nang kinalaunan, alam naming hindi ito perpekto at marami itong bagay na hindi nagagawa, at sa kinasamaang palad ay hindi mo napagsilbihan ang bawat isa nang kasing-inam nang maaari. Ito ang kapalit ng pagkakaroon ng isang archive.

Sa tingin ko naman, sa batayang lebel, ito ang tamang gawin, at hindi kami ang pinakaunang organisasyon na nakagawa ng ganong desisyon. Napakaraming iba't ibang paraan para gawin ang desisyong iyon at maaaring dapat ay nagawa namin iyon sa mas mabuting paraan. Ngayon, ang kapalit ng estratehiyang iyon ay kailangang pagbayaran sa matagal na panahon. Ang pinakamahalaga para sa akin ay nakagawa kami ng isang bagay. At ang tinatrabaho ay para mailagay ito sa isang lugar na napapanatili. Noong simula may malakas na pag-uudyok na makapagtatag ng mga bagay at mapatakbo ang mga ito.

Ano sa tingin mo ang mga pinakamalaking panahon ng kagipitan ng OTW sa sampung taon nito?

May malaki kaming bentaha noong simula, na nagsimula kaming sa maliit na grupo ng mga tao na halos magkakakilala lahat. Ako, [kasalukuyang kawani ng OTW Ligal na] si Rebecca Tushnet at [kasalukuyang kawani ng TWC (Ibahing Katha at Kultura) na] si Francesca Coppa ay magkakakilala, at ang iba pang mga miyembro ng unang Lupon ay magkakalapit lamang ng kinaroroonan, kaya maaari kaming makapagsamasama ng harapan at mag-usap tungkol sa mga bagay bagay. Malaking tulong iyon. Pero nagkaroon din kami ng malawak na kadalubhasaan sa naunang grupo -- ligal, akademiko, pagsulat na propesyonal, mga teknikal na dalubhasa. Ang mga tao sa unang lupon ay mga pangunang sandigan ng kanilang mga kinabibilangang komite. Kaya isa itong maliit na pangkat na kayang makapagtrabaho ng malapitan at makabuo ng mga bagay ng mabilis sa kani-kaniyang lugar.

Panandalian, noong kalagitnaan ng paglago ng OTW, napalayo kami sa ganoon. Mahirap na trabaho ang maging isang miyembro ng Lupon, at kinakailangan ng napakaraming oras para maayos na magampanan ang mga gawain. Nagawa ko ito ng maayos at nagawa ko ito ng salat. Hindi sa lahat ng pagkakataon, pero malaki ang epekto ng kung gaano kalaki ang oras na kaya mong ilaan, ganon na rin sa mga taong iyong katrabaho, at kung kaya mong makipag-usap sa kanila ng mahusay at kung saan may antas ng personal na pagtitiwala sa inyo.

Pakiramdam ko mayroong mahirap na mababang punto kaming pinagdaanan. Mayroong gitnang panahon; may pagsasaliksik na ginawa sa prosesong ito sa mga hindi-komersyal na samahan na nagpapakitang ang pinagdaanan ng OTW ay isang karaniwang pangyayari. Mayroong mapangaraping tagapagtatag, o grupo ng tagapagtatag, na kumakagat ng higit pa sa kaya nilang nguyain. Ang ugaling iyon ay nag-iiwan ng maraming detalyeng hindi naayos. Ang mga taong nahikayat ngayon na napasama dahil sa mga pangarap ng mga tagapagtatag ang nakakakita ng mga problema sa kung ano ang nagawa o kung ano ang nangyayari, at nakakaramdam sila ng pagkadismaya dahil maaaring wala silang akses sa mga tagapagtatag o sa mga paraan para lutasin ang problema. Kaya nagiging mapagtunggali sa personal na antas o sa antas ng organisasyon. Kaya marami noong tumatakbo sa pagka-Lupon ng OTW na hindi gusto kung ano ang nangyayari sa Lupon.

Kaya habang hindi maayos ang nangyayari noon at hindi maayos ang kabuuan ng pamamalakad ng Lupon, alam rin ng mga tao sa Lupon ang mga kaganapan sa OTW dahil mayroon ng naging mga talakayan at pagtatalo na umabot sa puntong iyon, nanggaling na sila roon, at alam nila ang mga dahilan bakit nangyayari ang mga bagay bagay. Pero wala nang tiwala, at napawalan na ng saysay ang Lupon bilang isang grupo. At nagkaroon kami ng maraming Lupon na walang saysay.

Pagkatapos nariyan ang pangatlong alon, mga taong masaya na gawin ang mga tungkulin nila sa loob ng OTW pero hindi naman talagang gustong mapasama sa Lupon. Pero nakita nila ang mga problema, umakyat na sila sa organisasyon at nakita nila kung ano ang nangyayari sa itaas. At kahit na mas gusto nilang gawin ang mga trabahong ginagawa nila, pakiramdam nila, kailangan nilang manguna at ayusin ang sitwasyong kinalalagyan namin. Iyon ang uri ng Lupon na mayroon tayo ngayon, at magandang sitwasyon iyon. Nakalagpas ang OTW sa mga suliranin ng paglaki, na siyang mahalaga dahil napakaraming samahan ang hindi nakakalagpas sa ganoong panahon, sa ganoong pagbabago.

Noong simula ang pagkakaiba ay, nagkaroon kami ng maraming pagtatalo pero ito ay pundasyon na kung saan magkakakilala ang lahat at nirerespeto ng lahat ang kakayahan ng bawat isa at magkakakilala na bago pa man napabilang sa Lupon. Maganda rin iyon pero gumagawa iyon ng pagkakabukod. Noong unang mga taon na iyon, puro lang arangkada -- lahat ng gusto mong subukan, subukan mo lang. Walang hihinto sa iyo. Wala namang mayroon, kaya gagawa ka lang ng kahit ano.

Kaya noong simula walang mga taong gumagawa na ng mga bagay na gamit ang isang paraan na kailangang lahat palitan -- hindi mo pwedeng gawin iyon sa mga tao at maging sagabal sa kanilang trabaho at pamamaraan nang ganoon. Lalo na sa panig ng pagko-code, may napakalaking mapanlikhang panahon noong simula na ang ginagawa lang ay lumikha. Sa pangkalahatan, maraming taong gustong gumawa ng mga bagong bagay pero hindi ang magpanatili ng mga lumang bagay, pagdating sa teknolohiya. Kaya naman sa simula, mas madali talaga. Lahat kami ay nadumihan ang kamay. Wala sa amin ang nakapagtrabaho na sa kahit anong sinlaki ng kung ano ngayon ang OTW at inaalam pa lang namin ang mga bagay bagay. Para sa ibang tao, nakakapagod ang pagsisimula ng isang bagay, pero para sa iba, ganon din ang pananatili at pagpapalago nito.

Noong panahon mo sa OTW, ano ang personal na tagumpay ang nakamit mo na siyang pinakamaipagmamalaki mo?

Andiyan ang AO3, basta nariyan lang ito. Sa antas ng meta, nung una akong gumawa ng paskil tungkol sa pagtatag ng isang archive, hindi ko inisip na isa itong bagay na gagawin ko. Sinabi ko nga na kailangan natin ito at kung may ibang taong gagawa nito ay tutulungan ko sila. Pero noong nakita kong walang nagboboluntaryo, nagkaroon ako ng saglit na, naaalala ko itong sandaling ito na, alam kong sa oras na sinimulan na ang pagpapatakbo ng proyektong ito, napakalaking oras kaagad ang nakalubog na, at na magkakaroon ito ng gugol sa ibang mga oportunidad para sa tanang buhay ko. Pero ginawa ko pa rin ito.

Gumawa ng kasiglahan ang orihinal na talakayan, kaya kinailangang gawin namin ito agad agad. May isang sandali na mailalagay mo ang isang bagay sa mesa, at pag napalagpas mo ito, guguho ito at tuluyang hindi na magaganap. Noong ginawa ko ang paskil na iyon, ginawa ko ito dahil galit ako at pinaniwalaan ko ito, naniwala akong kailangan naming may gawin. Isa itong kasabihan, 'Kailangang ikaw ang maging pagbabagong gusto mong makita sa mundo.' Kaya pumunta ako kay Rebecca at Francesca at sinabi kong, 'gagawin natin ito, pero hindi ko ito kaya ng wala kayo.' At ang sabi nila 'sige, sasama kami.' Napakarami naming naging pag-uusap noon tungkol sa mga problemang gusto naming lutasan ng OTW at iyon ang tamang panahon na may gawin tungkol doon.

Ano ang nakikita mong papel ng OTW sa ngayon at ano sa tingin mo ang nagbago mula noong nagsimula ito? Paano kaya ito magbabago sa susunod pang 10 taon?

Ang pinakaunang bagay na sa pakiramdam ko ay mayroon na ang OTW sa ngayon na wala ito noong simula ay ang pagpapanatili ng mga bagay, katulad ng pagsisigurong buhay ang OTW at gumagana. At ngayon mas madali nang panatilihin ang AO3 at pati na rin ang Fanlore, kahit mas madaling panatilihin ang Fanlore. Hindi mas madaling palaguin ito, pero mas madali itong panatilihing huwag bumagsak. Kahit ang AO3 ay mas mahirap palaguin sa susunod na 10 taon dahil lamang kailangan itong iakyat sa mas modernong teknikal na antas. Mayroon dapat na mga talakayang nagaganap, at inaasahan kong mayroon, tungkol sa bersyong 2.0 ng AO3. Pero dapat ang AO3 ay hindi parehas ng itsura sampung taon mula sa ngayon, at kailangan nating magsimulang mag-isip tungkol sa planong iyan [kung paano makakarating doon] ngayon na kaysa sa hinaharap pa.

Kumuha kami ng responsibilidad at alam ko na -- kahit sa mga pinakamadilim na sandali ng Lupon kung saan akala ko talaga ay magbibitiw ang lahat ng kawani ng tech at walang magpapatakbo ng AO3 -- na ang nagpapanatili sa mga tao [bilang boluntaryo] kahit walang mga magandang kalutasan sa mga suliranin, ay dahil sa enersiya na walang gustong maging sanhi ng pagbitaw. Maaaring dumating ang panahon kung saan mas mataas na ang personal na gastos sa pagtatrabaho sa aming mga proyekto, pero kapag kinailangang ako na [mismo] ang dapat trabahuhin ito ay hindi rin ito maisasalba. Hindi ako maaaring maging responsable pa rin sa yugtong iyon ng buhay ko para ipagpatuloy na panatilihin at palaguin kung ano ang sinimulan namin. Mayroon akong maliit na anak, nagbabago ang buhay ko. At sinubukan kong magkaroon ng mga pag-uusap sa Lupon, na siyang mahirap, na kung hindi mo pinagkakatiwalaan ang mga kawani na malaman kung ano ang dapat gawin at na magkaroon ng espasyo para maisagawa ang mga bagay na ito, hindi ito mabubuhay. Kaunti lang ang mga taong nagpapanatili nito, at kaunti lang rin ang mga taong gumagawa ng trabahong iyon, pero ngayon mayroon nang mga kontraktor na kasali para matulungan kaming makasulong, at isang proseso para gawing mas kapana-panatili ang AO3.

Lahat tayo ay dapat malugod na magkasundo at malugod na nabibigo. At maaaring dumating ang araw na hindi na sisikat pa ang araw. Maaaring dumating ang araw na hindi na natin kaya pang gastusan itong patakbuhin pero papanatilihin natin ang mga kwento para sa download at maipasa ang data para may ibang makapagpaandar nito. Kapareho ito ng pagsalbang ginagawa ng Open Doors para sa atin, na mayroong ibang mga site na nagsasara na lang ng pintuan, paalam, lahat ng mga likha mo ay wala na. [Ang website na] iMeem ay ginawa iyon sa mga [tagahangang] gumagawa ng vid. Isang araw na lang, ay di na kami maghohost ng mga vid. Matikas ang paniniwala kong may obligasyon tayong huwag iyong gawin, iyon ang misyon, ang pinakaunang bagay na dapat gawin ng OTW. At pakiramdam ko ay nagagampanan iyan [na napapa-usad namin ang mga bagay bagay at napapanatili namin ito] kaya masaya ako tungkol diyan.

Pakiramdam ko rin, sa aspetong ligal, na nasa mabuti kaming kalagayan kumpara sa noon, kaya mabuti, at maipagmamalaki ko talaga ang lahat nang napagtagumpayan ng Batasang Pagtataguyod. Sa tingin ko, maganda ang nagawa ng OTW para sa pangangalaga ng mga likha sa pamamagitan ng Open Doors, isa iyan sa mga gusto kong bigyan ng pokus, ang pagpapanatili ng mga likha. Pero isa sa mga pangunahing bagay na gusto ko ring asikasuhin ay ang susunod na henerasyon. Napakalaki na ng fandom sa ngayon kumpara sa kung ano ito noon kaya hindi na natin kailangang hikayatin ang bawat isa, para maging bahagi ang OTW sa bawat isang tagahanga. Pero kailangan mo ring makapagpanatili ng presensya sa mga lugar kung nasaan ang mga kabataan, katulad ng wala masyadong pakikipag-ugnayan sa Wattpad. Kaya sa tingin ko may mga taong pumupunta sa AO3 na may mga inaasahan at kagustuhan mula dito, at saka aalis nang hindi masyadong naiintindihan kung ano ito dapat.

Isa sa mga bagay na ayaw kong subukan ng OTW ay maki-uso at makibagay at baguhin ang mga sarili namin para subukang gawin iyon. Gusto naming maging aklatan, isang nakayayamot na lugar pero alam ng kahit sinoman, at naririyan lamang kung kinakailangan mo.

Ano ang pinakanakatutuwang bagay para sa iyo sa pagboboluntaryo sa OTW?

Ang pagtatayo ng AO3. Mahal ko ang pagko-code. Sa tingin ko napakasayang gawin nito, ang paglikha at pag-code ng isang bagay. Mahal ko iyan, da bes iyan.


Ngayong isa sa mga tagapagtatag namin ang nakapagbigay na ng kanilang limang bagay tungkol sa mga nagawa nila, pagkakataon mo na para makapagdagdag ng isa pang bagay! Gaano na katagal mong alam ang tungkol sa OTW? Ginagamit mo ba ang iba't ibang mga proyekto? Gaano ka na katagal sa fandom?

Maaari mo ring mabasa ang mga naunang Limang Bagay na paskil ng ilan sa aming mga boluntaryo.